Mabuting Balita Lucas 21:5-19
5 May ilan namang nag-uusap tungkol
sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti.
Sinabi naman ni Jesus: 6 “Darating ang mga araw na walang matitirang
magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.”
7 Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda
na sumapit na ito?”
8 Sumagot si Jesus: “Mag-ingat
kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing
‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod
sa kanila. 9 Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag
kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.”
10 At sinabi niya sa
kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian.
11 Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon
ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring
kababalaghan sa langit. 12 Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin
kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at
ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. 13 Sasapit
ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin.
14 Isaisip ninyo na huwag
ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili 15 dahil ako mismo ang
magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng
lahat ninyong kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga
kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo.
17 At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Subalit
hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. 19 Sa inyong pagpapakatatag,
ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.