Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng ibang tao kundi ng aking Amang nasa langit.
At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay
Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi
makapananaig sa kanya kahit sa kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa
iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal
sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa Langit."
+ + + + + + +
Pero ang totoo ay ang ating pagsasabuhay sa kanyang mga utos ang tunay na sumasalamin sa lalim ng ating personal na ugnayan sa Kanya.
Sa araw na ito, ginugunita ng Simbahan ang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo—dalawang haligi ng ating pananampalataya. Si San Pedro ang pangunahing apostol; ang unang Santo Papa. Itinatag ni Jesus ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan nya at siya ang ginawang pinuno ng Labindalawa.
Samantalang si San Pablo ay tinawag upang dalhin ang Mabuting Balita sa mga Hentil—yaong mga hindi pa nakakakilala kay Kristo.Tapat na ibinahagi nilang dalawa ang misyon ni Jesus, at inialay nila ang kanilang mga buhay alang-alang sa Ebanghelyo.
Sa atin pong mabuting balita ay tinanong ni Jesus ang Kanyang mga alagad:“Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa Anak ng Tao?” (Mateo 16:13) Iba’t ibang sagot ang kanilang ibinigay—may nagsabing si Juan Bautista, ang iba nama’y si Elias o isa sa mga propeta.
Ngunit muling nagtanong si Jesus, sa mas personal na paraan:“Ngunit kayo, sino Ako para sa inyo?” (Mateo 16:15) Sumagot si Simon Pedro nang may buong pananalig: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonah.” Ipinahayag din ng Panginoon na ang katotohanang iyon ay galing mismo sa Ama.
Malapit si Pedro kay Jesus. Sa lahat ng mga apostol, siya ang madalas na kasa-kasama ng Panginoon (Mateo 10:2; 14:28; 15:15; 17:24; 19:27; Lucas 8:51; 12:41). Siya rin ang unang tumutol nang gustong hugasan ni Jesus ang Kanyang mga paa (Juan 13:7–9). Nang aarestuhin si Jesus, si Pedro ang humugot ng tabak at tinaga ang alipin (Juan 18:10). Siya ang unang apostol na pumasok sa libingang walang laman (Lucas 24:12), at siya rin ang unang nakakita sa Muling Nabuhay na Panginoon (Lucas 24:34).
Gaya ni Pedro, nakikipaglakbay din ba tayo kay Jesus—lalo na sa pamamagitan ng mga Sakramento at sa Banal na Misa? Gaya ni Pedro, nagnanais ba tayong higit na makilala si Jesus sa pamamagitan ng pagninilay sa Banal na Kasulatan, lalo na sa mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan?
Si San Pablo naman ay may naiibang karanasan. Hindi siya nakasama ni Jesus noong Kanyang ministeryo sa lupa, ngunit matapos niyang makatagpo ang Panginoon sa daan patungong Damasco (Gawa 9), lubos na nabago ang kanyang buhay. Mula sa pagiging taguusig ng mga Kristiyano, siya'y naging isa sa pinaka-masidhing misyonero ni Kristo. Hanggang ngayon, walang kapantay ang kanyang sigasig sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.
Lubos niyang pinahintulutan si Jesus na gumalaw sa kanyang buhay—at siya ay naging tinig ni Kristo sa maraming bansa.Ginamit niya ang kanyang kaalaman at karunungan upang isulat ang maraming liham na ngayon ay bahagi na ng Bagong Tipan—mga salitang patuloy na umaakay at nagbibigay-inspirasyon sa Simbahan.
Hinahayaan din ba natin si Jesus na kumilos sa ating buhay? Ibinubukas ba natin ang ating puso, ang ating talino, at ang ating kakayahan upang ipakilala si Jesus sa iba?
Kung titingnan tayo ngayon ni Jesus at tatanungin: “ Ikaw, sino Ako para sa iyo?” Ano po kaya ang ating maisasagot sa kanya? – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment