24 Kaya umalis si Jesus kasama niya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. 25 May isa namang babae na labindalawang taon nang dinudugo. 26 Marami na ang tiniis niya sa kamay ng mga doktor at nagastos na niya ang lahat ng meron siya pero hindi pa rin siya umigi kundi lumala pa ang lagay niya. 27 At nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nilapitan niya ito sa likuran sa gitna ng mga tao at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat naisip niya: “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang mga damit, gagaling na ako.”
29 At agad na naampat ang pag-agos ng kanyang dugo at naramdaman niyang gumaling na ang kanyang sakit. 30 Ngunit agad din namang nadama ni Jesus na may lakas na lumabas sa kanya kaya lumingon siya sa gitna ng mga tao at nagtanong: “Sino ang humipo sa mga damit ko?” 31 Sumagot ang kanyang mga alagad: “Nakikita mo nang ginigitgit ka ng napakaraming tao. Bakit mo pa itatanong: Sino ang humipo sa akin?” 32 At patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang gumawa nito. 33 Kaya lumapit na nanginginig sa takot ang babae. Namamalayan nga nito ang nangyari kaya lumapit ito at nagpatirapa sa harap niya at inamin sa kanya ang buong katotohanan.
• 34 At sinabi sa kanya ni Jesus: “Anak, iniligtas ka ng iyong pananalig. Humayo kang mapayapa at magaling ka na sa iyong sakit.” 35 Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniistorbo ngayon ang Guro?” 36 Ngunit hindi sila inintindi ni Jesus at sinabi sa pinuno: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” 37 At wala siyang pinayagang sumama sa kanya liban kina Pedro, Jaime at Juang kapatid ni Jaime.
• 38 Pagdating nila sa bahay, nakita niya ang kaguluhan: may mga nagiiyakan at labis na nagtataghuyan. 39 Pumasok si Jesus at sinabi: “Bakit nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” 40 At pinagtawanan nila siya. Ngunit pinalabas ni Jesus ang lahat, at ang ama at ina lamang nito ang isinama at ang kanyang mga kasamahan. 41 Pagpasok niya sa kinaroroonan ng bata, hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum”, na ibig sabihi’y “Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.”
42 At noon di’y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. (Labindalawang taon na nga siya.) At nagkaroon ng pagkamangha, malaking pagkamangha. 43 Mahigpit na iniutos ni Jesus sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman, at sinabi sa kanila na bigyan ng makakain ang bata.