Ngunit
kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang
lahat ng pinag-uusapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung
hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon sa
simbahan.
At
kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang isang
Hentil o isang publikano." "Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal
ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay
ipahihintulot sa langit."
"Sinasabi
ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo dito sa lupa ay magkaisa sa paghingi
ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang
nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin,
naroon akong kasama nila."
Laging
nakatutukso na ipakita ang ating awtoridad at kapangyarihan, lalo na kapag tayo
ay pinagkatiwalaang mamuno. Kung minsan, iniisip natin na sa pagiging mahigpit,
mapaghanap, o mapangibabaw ay mas igagalang at susundin tayo ng iba.
Ngunit
ang hindi natin palaging nauunawaan ay habang nagiging mayabang tayo sa
paggamit ng ating awtoridad, lalo naman nating inilalayo ang ating sarili sa
mga taong tinatawag nating mahalin at pamunuan. Habang nagiging mapangibabaw
tayo, lalo rin nating pinabibilis ang sarili nating pagbagsak.
Kapag
dumarating ang mga alitan, maaari tayong matuksong tumugon nang may galit,
kayabangan, at labis na paggamit ng ating awtoridad. Maaaring ibulong sa atin
ng dimonyo na malulutas natin ang lahat sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating
kapangyarihan at pagpapatunay na tayo ang tama.
Ngunit
kailanman ay hindi magagawang pagalingin ng masamang pag-uugali at kayabangan ang isang sugatang
ugnayan. Sa halip, maaari lamang nitong palalimin ang mga sugat, palawakin ang
agwat, at lalong palalain ang alitan.
Sa
ating Ebanghelyo ngayong Linggo, itinuturo sa atin ni Jesus ang isang higit na
mabuti at maka-Kristiyanong paraan ng pakikitungo sa mga taong hindi natin
makasundo. Inaanyayahan Niya tayong piliin ang landas ng kababaang-loob,
pag-ibig, pagtitiyaga, at pagpapasensya, sa halip na ang landas ng pang-aabuso
sa kapangyarihan, kayabangan, at pagdodomina. Ipinapaalala sa atin ni Jesus na
kapag maroon hindi pagkakaunawaan, hindi tayo tinatawag upang magdomina laban
sa isa’t isa, kundi upang hanapin ang daan ng pagkakasundo at kapayapaan.
Hindi
ito laging madali. May mga pagkakataong sinasabi sa atin ng ating pride na
lakasan ang ating boses, patunayan na tayo ang tama, o iparamdam sa iba ang
bigat ng ating awtoridad. Ngunit marahang ipinapaalala sa atin na ang tunay na
lakas ay hindi nasusukat sa kung sino ang pinakamalakas sumigaw o kung sino ang
may kapangyarihan. Ang tunay na lakas ay matatagpuan sa kababaang-loob na
makinig, sa pagtitiyagang umunawa, at sa pusong marunong magpatawad.
Sa
madaling salita, kailangan nating maupo at mag-usap. Kailangan nating makinig
kahit mahirap makinig. Kailangan nating palawigin ang ating pagtitiis at
iwasang magpadala sa galit. Kung minsan, ang paggaling ng isang pusong nasaktan
at ang pagpapanumbalik ng isang nasirang relasyon ay nagsisimula sa isang
mapagpakumbabang pag-uusap at sa isang pusong handang magpatawad.
Nawa’y
lagi nating tandaan na ang pamumuno ay hindi tungkol sa pagpaparamdam sa iba ng
takot sa atin. Ito ay tungkol sa pagbibigay-inspirasyon sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang awtoridad ay hindi ipinagkakaloob sa atin upang magdomina sa iba, kundi
upang sila ay paglingkuran. At kapag tayo ay namumuno nang may kababaang-loob,
malasakit, at pag-ibig, hinahayaan nating kumilos si Hesus sa ating buhay.
May
mga pagkakataon ba na nasaktan natin ang ating kapwa dahil sa ating
pagmamataas? Nagamit ba natin ang ating awtoridad upang kontrolin ang iba sa
halip na sila ay paglingkuran? May mga salitang nasabi ba tayo na nagtulak sa
iba palayo sa halip na ilapit sila sa Diyos?
At
kapag dumarating ang alitan, pipiliin ba natin ang mas madaling landas ng galit
at pagdodomina, o magkakaroon tayo ng lakas ng loob na magpakumbaba, makinig
nang may pag-ibig, magpatawad, at gumawa ng unang hakbang tungo sa
pagkakasundo?
Paano kung ngayong araw, sa halip na ipilit nating tayo ang tama,
piliin nating maging higit na katulad ni Hesus—magpakumbaba, lumapit, makinig,
at maging instrumento ng paggaling sa buhay ng mga taong ipinagkatiwala sa atin
ng Diyos?—Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment