Mabuting Balita: Mateo
26:14 – 27:66Noong panahong iyon: Si
Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong saserdote.
“Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Hesus?”
tanong niya. Noon din ay binilangan nila siya ng tatlumpung salaping pilak. Mula
noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.
Dumating ang unang araw ng
Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Lumapit kay Hesus ang mga alagad at
nagtanong, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?”
Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod at hanapin ninyo ang taong ito. Sabihin
sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: ‘Malapit na ang aking oras. Ako at
ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.’” Sinunod ng mga
alagad ang utos ni Hesus, at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Nang gabing yaon, dumulog
sa hapag si Hesus, kasama ang labindalawang alagad. Samantalang sila’y
kumakain, nangusap si Hesus, “Sinasabi ko: isa sa inyo ang mga magkakanulo sa
akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba,
Panginoon?” Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang
magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba
ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” Si
Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si
Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
Samantalang sila’y
kumakain, hinawakan ni Hesus ang tinapay, at matapos na magpasalamat sa Diyos,
kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo ito at kanin;
ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, nagpasalamat sa
Diyos at ibinigay sa kanila. “Uminom kayong lahat nito,” sabi niya. “Sapagkat
ito ang dugo ng tipan, ang aking dugo na mabubuhos dahil sa marami, sa
ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako iinom
nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ang bagong alak ay inumin kong
kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.” At pagkaawit ng isang imno, sila’y nagpunta
sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Hesus sa kanila,
“Sa gabing ito, ako’y iiwan ninyong lahat, gaya ng nasasaad sa Kasulatan,
‘Papatayin ko ang pastol, at mangangalat ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na
ako’y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit
na po iwan kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” “Tandaan mo,” sabi ni Hesus,
“sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.” Ngunit
matigas na sinabi ni Pedro, “Kahit na ako pataying kasama ninyo, hindi ko kayo
itatatwa.” Gayun din ang sinabi ng lahat ng alagad.
At isinama sila ni Hesus
sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanyang mga alagad,
“Dito muna kayo; mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya si Pedro
at ang dalawang anak ni Zebedeo. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang
kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos
ikamatay ko! Maghintay kayo rito at makipagpuyat sa akin!” Pagkalayo nang
kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin: “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin
ang kalis ng paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang
kalooban mo ang mangyari.”
Nagbalik siya at dinatnan
niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi
kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magpuyat kayo at
manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit
mahina ang laman.”
Muli siyang lumayo at
nanalangin: “Ama ko, kung hindi maiaalis ang kalis na ito nang hindi ko
iinumin, mangyari ang iyong kalooban.” Muli siyang nagbalik at dinatnan na
naman niya silang natutulog, sapagkat sila’y antok na antok.
Iniwan niya uli ang
tatlong alagad at muli siyang nanalangin, at iyon din ang sinabi. Nagbalik na
naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at
nagpapahinga? Dumating na ang oras na ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga
makasalanan. Tayo na! Narito na ang magkakanulo sa akin.”
Nagsasalita pa si Hesus
nang dumating si Judas, isa sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na
may dalang mga tabak at mga pamalo; galing sila sa mga punong saserdote at sa
matatanda ng bayan. Bago pa sila dumating doon, ibinigay na ng taksil ang
ganitong hudyat: “Ang hagkan ko ang siya nating pakay. Dakpin ninyo agad!”
Kaya’t nilapitan ni Judas
si Hesus at binati, “Magandang gabi po, Guro!” saka hinagkan. Sinabi sa kanya
ni Hesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At nilapitan siya ng mga tao at
dinakip. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Hesus. Tinaga niya ang
alipin ng pinakapunong saserdote, at natigpas ang tainga niyon.
Sinabi ni Hesus, “Isalong
mo ang iyong tabak! Ang gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. Hindi mo ba
alam na makahihingi ako sa aking Ama nang higit pa sa labindalawang batalyon ng
mga anghel at padadalhan niya ako agad? Ngunit paanong matutupad ang mga
Kasulatang nagsasabi na ito’y dapat mangyari?”
At binalingan niya ang mga
tao at sinabi, “Ako ba’y tulisan at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo
para dakpin ako? Araw-araw, ako’y nagtuturo sa templo, at hindi ninyo ako
dinakip. Ngunit nangyaring lahat ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”
Tumakas ang mga alagad at
iniwan siyang mag-isa.
Dinala si Hesus ng mga
dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong saserdote; doo’y
nakakatipon ang mga eskriba at ang matatanda ng bayan. Sumunod sa kanya si
Pedro, ngunit malayo ang agwat nila. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong
saserdote, pumasok siya sa patyo at naupong kasama ng mga bantay upang makita kung
ano ang mangyayari.
Naghahanap naman ang mga
punong saserdote at ang buong Sanedrin ng saksing magsisinungaling laban kay
Hesus, upang maipapatay siya. Ngunit wala silang matagpuan, bagama’t maraming
humarap at nagsabi ng kabulaanan tungkol sa kanya. Sa wakas, may dalawang
humarap at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na gigibain niya ang templo at muling
itatayo sa loob ng tatlong araw.”
Tumindig ang pinakapunong
saserdote at sinabi kay Hesus, “Wala ka bang maisasagot sa paratang na ito sa
iyo?” Ngunit hindi umimik si Hesus. At sinabi sa kanya ng pinakapunong
saserdote, “Iniuutos ko sa iyo: sabihin mo sa amin, sa ngalan ng Diyos na
buhay, kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.” Sumagot si Hesus, “Kayo na
ang nagsabi.
Ngunit sinasabi ko sa
inyo: Mula ngayon ay makikita ninyo ‘ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng
Maykapangyarihan, at dumarating na nasa alapaap ng langit!’” Nang marinig ito
ng pinakapunong saserdote, winahak niya ang sariling kasuotan at sinabi, “Ito’y
kalapastanganan sa Diyos! Hindi na natin kailangan ang mga saksi. Narinig ninyo
ang kanyang paglapastanganan sa Diyos! Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila,
“Dapat siyang mamatay!”
Siya’y niluran nila sa
mukha at pinagsusuntok. Sinampal naman siya ng iba at ang sabi, “Kristo, hulaan
mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
Samantala, si Pedro’y
nakaupo sa patyo. Nilapitan siya ng isang alilang babae at ang sabi, “Kasama ka
rin ni Hesus na taga-Galilea, hindi ba?” Ngunit itinanggi niya ito sa harapan
ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya. Pumunta sa may
pintuan si Pedro. Nakita siya ng isa pang alilang babae, at sinabi sa mga
naroon, “Ang lalaking ito’y kasama ni Hesus na taga-Nazaret.” Muli siyang
tumanggi: “Isinusumpa ko, hindi ko nakikilala ang taong iyan.”
Mayamaya’y lumapit kay
Pedro ang mga naroon. Sinabi nila, “Isa ka nga sa kanila. Nakikilala sa iyong
pagsasalita.” “Mamatay man ako, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan,”
sagot ni Pedro. Siya namang pagtilaok ng manok. At naalaala ni Pedro ang sabi
ni Hesus, “Bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.” Lumabas siya
at nanangis nang buong kapaitan.
Kinaumagahan, nagpulong
ang mga punong saserdote at ang mga matatanda ng bayan kung paano maipapapatay
si Hesus. Iginapos nila siya at dinala kay Gobernador Pilato.
Nang makita ni Judas na si
Hesus ay hinatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong saserdote
at sa matatanda ng bayan ang tatlumpung salaping pilak. Sinabi niya, “Nagkasala
ako! Ipinagkanulo ko ang taong walang sala.” “Ano ang pakialam namin? Bahala
ka!” sagot nila. Inihagis ni Judas ang mga salaping pilak sa loob ng templo
saka siya umalis at nagbigti.
Pinulot ng mga punong
saserdote ang mga salaping pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang
salaping ito sa kabang-yaman ng templo. Ito’y kabayaran sa buhay ng isang tao.”
Nagkaisa sila na ang salapi ay ibayad sa bukid ng magpapalayok upang gawing
libingan ng mga dayuhan. Kaya ang bukid na iyon ay tinawag na “Bukid ng Dugo”
hanggang sa panahong ito.
Sa ganitong paraan natupad
ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung salaping pilak, ang
inihalaga sa kanya ng mga Israelita, at ibinayad sa bukid ng magpapalayok, ayon
sa iniutos sa akin ng Panginoon.”
Iniharap si Hesus sa
gobernador. “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ng gobernador.
Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga
punong saserdote at ng matatanda ng bayan, hindi na siya sumagot. Kaya’t sinabi
sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang mga ipinararatang nila sa iyo?”
Ngunit hindi sumagot si Hesus gaputok man, kaya’t nagtaka ang gobernador.
Tuwing Pista ng Paskuwa,
kinaugalian na ng gobernador ang magpalaya ng isang bilanggo — sinumang
mahiling ng taong-bayan. Noon ay may isang kilalang bilanggo na nagngangalang
Barrabas. Kaya’t nang magkatipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino
ang ibig ninyong palayain ko, si Barrabas o si Hesus na tinawag na Kristo?”
Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na dalhin sa kanya si Hesus.
Hindi lamang iyan.
Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa,
“Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, sapagkat kagabi’y
pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”
Ang mga tao nama’y
sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan na hilingin kay
Pilato na si Barrabas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay. Muli silang
tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain ko?” “Si
Barrabas po!” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang
gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?” Sumagot ang lahat, “Ipako sa
krus!” “Bakit, anong masama ang ginawa niya?” tanong ni Pilato.
Ngunit lalo pa nilang
isinigaw, “Ipako sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at
malamang pang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng
kamay sa harapan ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito.
Bahala kayo!” sabi ni Pilato. Sumagot ang mga tao, “Pinananagutan namin at ng
aming mga anak ang pagkamatay niya!” At pinalaya niya si Barrabas, ngunit
ipinahagupit si Hesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Si Hesus ay dinala ng mga
kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid
niya. Hinubaran nila siya at sinuutan ng isang balabal na pulang-pula. Naglikaw
sila ng halamang matinik at ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang
tambo sa kanyang kanang kamay. At palibak siyang niluhudluhuran at binati:
“Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaglulurhan; kinuha nila ang tambo at
siya’y pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng
balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Paglabas nila ng lungsod,
kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirene.
Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. Pagdating sa lugar na
tinatawag na Golgota na nangangahulugang Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus
ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang matikman niya ay hindi ininom.
Nang maipako na siya sa
krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit matapos magsapalaran. At
naupo sila upang siya’y bantayan. Nakasulat sa kanyang ulunan ang sakdal laban
sa kanya: “Ito’y si Hesus, ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay
niyang ipinako sa krus – isa sa kanan at isa sa kaliwa.
Nilibak siya ng mga
nagdaraan, at tatangu-tango pang sinabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at
muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong
sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya
ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Sabi nila,
“Iniligtas ang iba ngunit ang sarili’y di mailigtas! Di ba siya ang Hari ng
Israel?
Bumaba lang siya ngayon sa
krus, maniniwala kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang
siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!” At
inalipusta rin siya ng mga tulisang ipinakong kasabay niya.
Mula sa tanghaling tapat
hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng
hapon, sumigaw si Hesus, “Eli, Eli, lama sabachthani?” ibig sabihi’y “Diyos ko,
Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon,
at sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” Agad tumakbo ang isa sa kanila at
kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang tambo
at ipinasipsip kay Hesus. Ngunit sinabi naman ng iba, “Hintay muna tingnan
natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Hesus at
nalagutan ng hininga.
Dito luluhod ang tanan at
sandaling mananahimik.
Biglang napunit sa gitna
ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa,
nagbitak ang mga bato, nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal
na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus,
sila’y pumasok sa Banal na Lungsod at nakita roon ng marami.
Nasindak ang kapitan at
ang mga kawal na nagbabantay kay Hesus nang maramdaman nila ang lindol at
masaksihan ang lahat ng nangyari. “Tunay na ito’y Anak ng Diyos!” sabi nila.
Naroon din ang maraming
babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea’y sumusunod na sila kay
Hesus at naglilingkod sa kanya. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si
Mariang ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
Bago magtakipsilimm
dumating ang isang mayamang taga-Arimatea, na ang ngala’y Jose. Siya’y alagad
din ni Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Iniutos
naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. Kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay at
binalot ng bagong kayong lino. Inilagay niya ito sa sariling libingan na di pa
nalalaunang ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan nito
ang isang malaking bato, saka umalis. Naroon si Maria Magdalena at ang isa pang
Maria, na nakaupo sa tapat ng libingan.
Kinabukasan, alalaong
baga’y pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, samasamang nagpunta kay Pilato ang mga
punong saserdote at ang mga Pariseo. Sinabi nila, “Naalaala po namin na sinabi
ng mapagpanggap na iyon noong nabubuhay pa, na siya’y muling mabubuhay
pagkaraan ng tatlong araw. Pabantayan nga po ninyong mabuti ang libingan
hanggang sa ikatlong araw. Baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin ang
bangkay, at sabihin sa mga tao na siya’y muling nabuhay. At ang pandarayang ito
ay magiging masahol pa sa nauna.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng
mga kawal at pabantayang mabuti ang libingan.” Kaya’t pumaroon sila at nilagyan
ng tatak ang bato at pinabantayan ang libingan upang matiyak nilang di ito pakikialaman
ninuman.
+
+ + + + + +
Repleksyon:
May isang kilalang kasabihan: “Ang tagumpay ay maraming ama,
ngunit ang pagkatalo ay walang gustong umaako.” Habang tayo ay tahimik na
nagninilay sa Ebanghelyo ng Linggo ng Palaspas, nakikita natin kung paano ito
nahahayag sa buhay ni Jesus—at marahil, sa ating sariling buhay din.
Dahil sa Kanyang mga himala, marami ang sumunod kay Jesus. Dumagsa
ang mga tao sa Kanya, sabik na masaksihan ang Kanyang kapangyarihan at
makatanggap ng Kanyang pagpapala. Ngunit nang Siya ay usigin at tanggihan,
unti-unti ring nawala ang marami sa Kanyang mga tagasunod. Ang mga tinig na
minsang pumuri ay biglang nanahimik.
Kung susuriin natin ang ating mga puso, maaaring makita natin na
ang kuwentong ito ay hindi lamang tungkol sa kanila noon—ito rin ay tungkol sa
atin ngayon. Madalas, sinusunod natin si Jesus dahil sa kung ano ang maibibigay
Niya sa atin.
Lumalapit tayo sa Kanya kapag tayo ay may pangangailangan, kapag
tayo ay nalilito, o kapag naghahanap tayo ng himala. Ngunit kapag ang Kanyang
mga daan ay mahirap tanggapin, kapag tila Siya ay tahimik, o kapag tayo ay
inaanyayahan sa sakripisyo, tayo rin ay unti-unting lumalayo.
Gaano kadali para sa atin na palitan Siya ng mga “diyos” ng
mundong ito—ang pagnanasa sa kayamanan, ang paghahangad ng kaligayahang
panandalian, ang pag-ibig sa kapangyarihan, at ang maraming tukso na tila
nagbibigay-ligaya ngunit sa huli ay nag-iiwan ng kahungkagan. Hindi natin
namamalayan, ginagawa nating “Diyos ng kaginhawaan” si Jesus—sinusunod lamang natin
Siya kapag madali at pabor sa atin.
Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem na nakasakay sa isang asno,
sinalubong Siya ng galak at papuri. Sumigaw ang mga tao, “Hosanna sa Anak ni
David!” Tila puno ng pananampalataya ang kanilang mga puso. Ngunit makalipas
lamang ang ilang araw, kung saan siya ay dumaan sa pagdurusa, at kahihiyan,
napakarami ang tumalikod sa Kanya. Ang iba pa nga ay sumigaw, “Ipako Siya sa
krus!”
Napakasakit na paalala kung gaano kahina ang katapatan nating mga
tao. Gaano kadalas na ang ating pananampalataya ay nakabatay sa ginhawa, sa
biyaya, at sa mga sagot sa ating mga panalangin. At gaano rin kadaling maglaho
ang ating pagsunod kapag tayo ay nahaharap sa pagsubok, sakripisyo, at tunay na
pagbabago ng buhay.
Kaya habang sama-sama tayong naglalakbay ngayong Mahal na Araw,
inaanyayahan tayong hindi lamang alalahanin ang Pasyon ni Jesus kundi samahan
Siya—manatili sa Kanya, kahit ang landas ay patungo sa krus.
Sandali tayong huminto at suriin ang ating mga puso nang may
katapatan at kababaang-loob. Hilingin natin ang biyaya na mahalin si Jesus
hindi lamang sa panahon ng kagalakan, kundi pati sa gitna ng pagdurusa; hindi
lamang kapag Siya ay nagbibigay, kundi dahil Siya ang ating Panginoon.
Sa harap ng krus ngayong Mahal na Araw, mananatili ba tayong tapat
kay Jesus sa kabila ng hirap—o tatalikod din ba tayo kapag ang pagsunod sa
Kanya ay nangangailangan ng sakripisyo? —Marino
J. Dasmarinas