Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag
inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat
nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang
bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa
inyo.
“Kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, ano
pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din
sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang
gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin?
Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang
pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa
inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay
nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y
makababayad!
Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila
ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun,
malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng
Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong
tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong
Ama.”
Ano
ang makapagpapalaya sa atin mula sa poot?
Ito
ay pagpapatawad at pagmamahal. Sa sandaling taos-puso
tayong magpatawad at piliing magmahal, unti-unting nawawala ang poot at
negatibong pakiramdam sa ating puso. Nakadarama tayo ng kalayaan.
Sa
halip na hayaang dominahin tayo ng hinanakit, nararanasan natin ang kapayapaang
nagmumula sa pagsuko sa Diyos ng ating mga sama ng loob. Natututuhan natin na
ang pagpapatawad ay hindi lamang isang bagay na ginagawa natin para sa iba; ito
rin ay isang regalong ibinibigay natin sa ating sarili.
Subalit,
bilang mga tao, may mga pagkakataong nadadaig tayo ng galit, poot, at sama ng
loob. Hinahayaan nating kontrolin tayo ng mga damdaming ito sa halip na tayo
ang kumontrol sa mga ito. Kapag patuloy nating kinikimkim ang ating mga
hinanakit, nagdadala tayo ng pasaning hindi nais ng Diyos na ating dalhin.
Dahil
dito mag-uugat sa ating puso ang samang loob, mawawalan tayo ng kapayapaan, sisirain
ang ating mga relasyon, at hadhadlangan tayong lubos na pahalagahan ang mga
biyayang patuloy na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos.
Ano,
kung gayon, ang lunas sa poot? Ito ay pagmamahal, pagpapatawad, at kababaang-loob.
Ang tatlong katangiang ito ay may kapangyarihang talunin ang poot at palayain
tayo mula sa mga damdaming nagdudulot lamang sa atin ng sakit, negatibong
pag-iisip, at kaguluhan sa kalooban. Kapag ang poot ay naghahari sa ating puso,
maaari nitong guluhin ang ating pang-araw-araw na buhay at hadlangan tayong
mamuhay nang may kapayapaan at kagalakang ninanais ng Diyos para sa atin.
Sa
ating Ebanghelyo, sinasabi ni Jesus Ibigin ninyo ang inyong
mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang
mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo (Lucas
6:27–28).
Maaaring
napakahirap sundin ng turong ito, ngunit tinatawag tayong isabuhay ito kung
tunay nating nais mamuhay bilang mga tagasunod ni Kristo. Inaanyayahan tayo ni
Jesus na talunin ang poot at paghihiganti—na tumbasan ang kasamaan ng
kabutihan, ang galit ng kahinahunan, at ang poot ng pagmamahal.
Hindi
nangangahulugan na kapag nagpatawad taayo ay tama o katanggap-tanggap ang
ginawa ng iba sa atin. Hindi rin nangangahulugan na hahayaan nating paulit-ulit
tayong saktan. Sa halip, ang pagpapatawad ay ang pagsuko sa Diyos ng ating
galit at sama ng loob at ang pagtangging manatiling bilanggo ng mga sugat ng
ating nakaraan.
Kung
minsan, ang pagpapatawad ay isang proseso. Maaaring kailanganin nating
paulit-ulit na humingi sa Diyos ng biyaya upang makapagpatawad hanggang sa
tuluyan nang gumaling ang ating puso.
Maaaring
may mga taong napakahirap nating patawarin. Maaaring may mga sugat na
nananatiling masakit kahit lumipas na ang maraming taon. Ngunit hindi
hinihiling ni Jesus na dalhin natin ang mga sugat na ito nang mag-isa. Kapag
buong kababaang-loob nating inilalapit sa Kanya ang ating sakit, unti-unti
Niyang gagamutin ang ating sugatang puso at pupunuin Niya ito ng Kanyang
pagpapatawad at kababaang-loob.
Sa
pamamagitan ng pagpapatawad at kababaang-loob, unti-unti nating nararanasan ang
kalayaan mula sa poot. Sa pamamagitan ng daan ng pagmamahal, nagiging tunay
tayong mga tagasunod ni Jesus. Walang ibang landas tungo sa tunay na kalayaang
Kristiyano kundi ang landas ng pagmamahal, kababaang-loob, at pagpapatawad.
Kaya
naman, suriin natin ang ating mga puso. Mayroon ba tayong taong patuloy nating
kinamumuhian o kinikimkiman ng sama ng loob? Mayroon bang pangalan na hanggang
ngayon ay nagdudulot pa rin sa atin ng sakit kapag naririnig natin? Mayroon
bang sugat na napakatagal na nating dinadala?
Ilagay
natin sa mapagmahal na mga kamay ni Jesus ang taong iyon, ang masakit na
alaala, at ang sugatang bahagi ng ating puso. Maaaring hindi na natin mabura
ang nakaraan, ngunit sa tulong ng biyaya ng Diyos, maaari nating piliing huwag
nang manatiling bilanggo nito.
Handa ba tayong isuko kay Jesus ang ating poot at hinanakit,
patawarin ang mga nakasakit sa atin, at hayaan ang Kanyang pagmamahal na
tuluyang magpalaya at magpagaling sa ating puso?—Marino J.
Dasmarinas
No comments:
Post a Comment