Kaya't si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya ito magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito'y taong matuwid at banal, kaya't ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagama't labis siyang nababagabag sa sinasabi nito.
Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak ni Herodias at nagsayaw.
Labis na nasiyahan si Herodes at mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, "Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo." At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin.
Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina. "Ano ang hihingin ko?" "Ang ulo ni Juan Bautista," sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. "Ang ibig ko po'y ibigay ninyo ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista," sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga.
Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Pinili
ni San Juan Bautista ang landas na hindi madaling tahakin. Buong tapang niyang
tinuligsa ang relasyong may pangangalunya nina Haring Herodes at Herodias. Alam
niyang maaaring malaki ang kapalit ng pagsasabi ng katotohanan, ngunit tumanggi
siyang manahimik. Sa huli, binayaran niya ng kanyang buhay ang kanyang
katapangan.
Maaari
sanang magkunwari si Juan na wala siyang nakikita at wala siyang nalalaman
tungkol sa mali. Maaari sana siyang nanahimik upang maiwasan ang komprontasyon
at anumang panganib. Ngunit higit na pinahalagahan niya ang katotohanan at
katuwiran kaysa sa kanyang takot sa maaaring mangyari. Hindi niya hinayaang
tahimik na lumipas ang kasamaan sa kanyang harapan. Nagsalita siya sapagkat
alam niyang ang pananatiling tahimik sa harap ng mali ay maaaring maging
dahilan upang magpatuloy ito.
Paano
kung tayo ang nasa kalagayan ni Juan? Paano tayo tutugon? Mananatili ba tayong
tahimik, walang pakialam, at magbubulag-bulagan na lamang? Kung minsan,
maaaring isipin nating walang masama sa pananahimik. Ngunit kapag alam nating
may maling nangyayari at pinili nating manahimik, nanganganib tayong masanay sa
kasamaan at maging walang malasakit dito. Bilang mga taong may pananampalataya,
hindi sapat na alam lamang natin kung ano ang tama; tinatawag din tayo ng Diyos
na magkaroon ng tapang na manindigan para sa tama.
Subalit
ang paninindigan sa katotohanan ay hindi nangangahulugang dapat nating hatulan,
ipahiya, o tuligsain ang mga taong naligaw ng landas. Bilang mga tagasunod ni
Kristo, tinatawag tayong magsalita ng katotohanan nang may pagmamahal,
kababaang-loob, at malasakit. Kapag buong tapang tayong nagsasalita laban sa
mali, ang ating hangarin ay hindi upang manakit o manghusga kundi upang
matulungan ang iba na makita ang kanilang pagkakamali, talikuran ang kasalanan,
at muling tahakin ang landas ng katuwiran at buhay.
Hindi
ito madaling gawin. Tulad ni San Juan Bautista, darating din ang mga
pagkakataong kailangan nating pumili sa pagitan ng kaginhawahan at katapangan,
sa pagitan ng pananahimik at pagsasabi ng katotohanan, at sa pagitan ng
pagpapalugod sa mga tao at pagiging tapat sa Diyos. Maaaring may mga
pagkakataong may kapalit ang paggawa ng tama. Ngunit hindi tayo tinatawag ng
Diyos na maging tapat lamang kapag madali at maginhawa ang lahat. Tinatawag
Niya tayong manatiling tapat kahit nangangailangan ito ng tapang, pagtitiis, at
sakripisyo.
Nawa’y
maging inspirasyon sa atin si San Juan Bautista upang hindi tayo matakot na
manindigan para sa katotohanan, ipagtanggol ang tama, at magsalita nang may
pagmamahal kapag nakikita natin ang mali. Nawa’y pagkalooban tayo ng Espiritu
Santo ng karunungan upang malaman kung kailan tayo dapat magsalita kapag
kinakailangan, at magkaroon ng kababaang-loob upang ang ating mga salita ay
hindi magmula sa galit o pagmamataas, kundi sa tunay na pagmamahal sa Diyos at
sa ating kapwa.
Kapag dumating ang sandali na kailangan nating pumili sa pagitan ng pananahimik at matapang na paninindigan para sa katotohanan, magkakaroon kaya tayo ng sapat na pananampalataya at tapang na manindigan kasama ng Diyos—kahit ang kapalit nito ay ang ating kaginhawahan, reputasyon, o maging ang ating seguridad?—Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment