“Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo!
Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.
Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at hindi mamamatay ang apoy.
At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.
“Sapagkat ang bawat isa’y dadalisayin sa apoy. Mabuti ang asin, ngunit kung mawalan ng lasa, paano ito mapaaalat uli? Taglayin ninyo ang katangian ng asin, at sa gayo’y magiging mapayapa ang inyong pagsasamahan.”
No comments:
Post a Comment