Saturday, January 18, 2025

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Enero 19 Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon: Juan 2:1-11


Mabuting Balita: Juan 2:1-11
Noong panahong iyon, may kasalan sa Cana, Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay naroon din. Kinapos ng alak kaya’t sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Nauubusan sila ng alak.” Sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang! Hindi pa ito ang panahon ko.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod,“Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Doo’y may anim na tapayan, ang bawat isa’y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang sa labi. Pagkatapos, sinabi niya, "Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan." Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan.

Tinikman naman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga katulong na sumalok ng tubig, kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal. Sinabi niya rito, "Ang una pong inihahain ay ang masarap na alak. Kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. 

Ngunit ipinagpahuli ninyo ang masarap na alak." Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea, ay siyang unang kababalaghang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa kanya ang mga alagad.

No comments: