Mabuting Balita: Juan 20:19-31
19 Agaw-dilim na noon sa unang
araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga
alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi
niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa
kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita
nila sa Panginoon.
21 At muli niyang sinabi sa
kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko
rin kayo.” 22 At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi:
“Tanggapin ang Espiritu Santo! 23 Patatawarin ang mga kasalanan ninuman
na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
24 Hindi nila kasama si Tomas na
tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus.
25 Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!”
Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng
mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok
ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!”
26 Makaraan ang walong araw, muling
nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus
habang nakasara ang mga pinto at pumagitna. At sinabi niya: “Kapayapaan sa
inyo!” 27 At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at
tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking
tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!”
28 Sumagot si Tomas sa kanya:
“Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” 29 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba
sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at
naniniwala.” 30 Ngayon, marami pang ibang tandang ginawa si Jesus sa
harap ng kanyang mga alagad, na hindi naman nasusulat sa kasulatang ito.
31 Isinulat naman ang mga ito upang maniwala kayo na si Jesus ang Kristo,
ang Anak ng Diyos. At sa paniniwala ninyo’y magkaroon kayo ng buhay sa bisa ng
kanyang Pangalan.