Mabuting
Balita: Lucas 24:35-48
35 Isinalaysay
ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa
pagpipiraso ng tinapay. 36 Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo
siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo
ang kapayapaan!”). 37 Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita
sila ng kung anong espiritu. 38 Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo
naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? 39 Tingnan
ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at
unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo
na meron ako.” (40 Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang
kanyang mga kamay at paa.)
41 Hindi
sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa
kanila: “May makakain ba kayo rito?” 42 At binigyan nila siya ng isang
pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). 43 Kinuha niya iyon at kumain
sa harap nila. 44 Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito
nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa
akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.”
45 At
binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi
niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay
niya’y buhayin sa ikatlong araw. 47 Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng
bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo
magsisimula. 48 Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment