Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam, si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya naman ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ng kanyang mga kapatid. Panahon noon nang pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.
Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Jesus na tinatawag na Cristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda ng pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria'y natagpuang nagdadalang-tao. Ito'y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasya niyang hiwalayan ito ng lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya'y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Manganganak siya ng isang lalaki at ito'y pangangalanan mong Jesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan." Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: "Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki, At tatawagin itong Emmanuel" Ang kahuluga'y "Kasama natin ang Diyos"