12 Kinaumagahan, paglabas nila sa Betania, nagutom siya. 13 Nang mapansin niya sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, nilapitan niya iyon kung makakakita siya roon ng anuman. Ngunit paglapit niya, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon lamang. Hindi nga panahon ng igos. 14 Kaya sinabihan niya ang puno: “Wala nang bungang makakain mula sa iyo magpakailanman.” At narinig ito ng kanyang mga alagad.
15 Pagkarating ni Jesus sa Jerusalem, pumasok siya sa Templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa patyo ng Templo. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 16 At hindi niya pinayagang dumaan sa Templo ang may dalang anumang bagay.
17 Tinuruan niya sila at sinabi: “Hindi ba nasusulat na, tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa ang aking bahay? Ngunit ginawa ninyo itong kuta ng mga magnanakaw.” 18 Nabalitaan naman ito ng mga punong-pari at mga guro ng Batas at hangad nila siyang iligpit. Takot nga sila sa kanya sapagkat namamangha ang lahat sa kanyang pagtuturo.
19 At nang hapon na, muli silang lumabas ng lunsod. 20 Pagbalik nila kinaumagahan, nakita nilang natuyo hanggang ugat ang punong-igos. 21 Kaya naalaala ni Pedro ang tungkol dito at sinabi niya: “Guro, natuyo ang isinumpa mong punong-igos.” 22 At nagsalita si Jesus sa kanila: “Sumampalataya kayo sa Diyos.
23 Talagang sinasabi ko sa inyo: kung may magsasabi sa bundok na ito: ‘Tumayo ka’t itapon mo ang iyong sarili sa dagat!’ at wala siyang alinlangan kundi naniniwala siyang mangyayari ang kanyang sinabi, mangyayari ito sa kanya. 24 Kaya sinasabi ko sa inyo: anuman ang hingin ninyo sa panalangin, sumampalataya kayo na natanggap na ninyo at tatanggapin ninyo.
25 At
pagtindig ninyo sa pananalangin, magpatawad kayo kung mayroon kayong sama ng
loob kaninuman; 26 sa gayo’y patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa
langit sa inyong mga kasalanan.”