Tuesday, May 25, 2021

Ang Mabuting Balita para sa Mayo 26, Miyerkules San Felipe Nerio, pari (Paggunita): Marcos 10:32-45


Mabuting Balita: 
Marcos 10:32-45
32 Noong panahong iyon nasa daan ang mga alagad patungong Jerusalem, nanguna si Jesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labin­dalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: 33 “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Je­rusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan.   

Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. 34 Pagtatawanan nila siya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit baba­ngon siya pagkatapos ng tatlong araw.” • 35 Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” 36 At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto ninyong gawin ko?” 37 Su­magot sila: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.”  

38 Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabi­bin­yagan sa binyag na ibinin­yag sa akin?” 39 Su­magot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabi­binyagan sa binyag na ibi­binyag sa akin. 40 Ngu­nit wala sa akin ang pag­papaupo sa aking kanan o kaliwa. Ini­handa ito para sa  iba.”  

41 Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. 42 Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapang­yarihan. 43 Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; 44 ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo.45 Gayun­din naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para mag­lingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa ma­rami.”

No comments: