Wednesday, May 26, 2021

Ang Mabuting Balita para sa Mayo 28, Biyernes sa Ikawalong Linggo ng Taon: Marcos 11:11-26


Mabuting Balita: 
Marcos 11:11-26
11 Dumating si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Minasdan niya ang lahat at dahil magdadapithapon na, bu­malik siya sa Betania kasama ng Labin­dalawa.  

12 Kinaumagahan, paglabas nila sa Betania, nagutom siya. 13 Nang ma­pan­sin niya sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, nilapitan niya iyon kung makakakita siya roon ng anu­man. Ngunit paglapit niya, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon lamang. Hindi nga panahon ng igos. 14 Kaya sinabihan niya ang puno: “Wala nang bungang makakain mula sa iyo magpakailan­man.” At narinig ito ng kan­yang mga alagad.  

 15 Pagkarating ni Jesus sa Jerusalem, pumasok siya sa Templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa patyo ng Templo. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 16 At hindi niya pinayagang dumaan sa Templo ang may dalang anumang bagay.  

17 Tinuruan niya sila at sinabi: “Hindi ba nasusulat na, tatawaging bahay-da­langinan para sa lahat ng bansa ang aking bahay? Ngunit ginawa ninyo itong kuta ng mga magnanakaw.” 18 Nabalitaan naman ito ng mga punong-pari at mga guro ng Batas at ha­ngad nila siyang ilig­pit. Takot nga sila sa kanya sapagkat namamangha ang lahat sa kanyang pag­tuturo.  

19 At nang hapon na, muli silang luma­bas ng lunsod. 20 Pagbalik nila kinaumagahan, na­kita nilang natuyo hanggang ugat ang punong-igos. 21 Kaya naalaala ni Pedro ang tungkol dito at sinabi niya: “Guro, na­tuyo ang isinumpa mong punong-igos.” 22 At nagsalita si Jesus sa kanila: “Su­mampalataya kayo sa Diyos.  

23 Tala­gang sinasabi ko sa inyo: kung may mag­sasabi sa bundok na ito: ‘Tumayo ka’t itapon mo ang iyong sarili sa dagat!’ at wala siyang alin­la­ngan kundi nanini­wala siyang mang­­­­yayari ang kanyang sinabi, mang­ya­yari ito sa kanya. 24 Kaya sinasabi ko sa inyo: anuman ang hingin ninyo sa pana­langin, sumampalataya kayo na natang­gap na ninyo at tatang­gapin ninyo. 

25 At pagtindig ninyo sa pananala­ngin, magpatawad kayo kung may­roon ka­yong sama ng loob kaninuman; 26 sa gayo’y patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasa­lanan.”

No comments: