Ito’y ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat hindi siya nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya’y sumasainyo at nananahan sa inyo.
“Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo.
Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo. “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya, at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya.”
Sa Ebanghelyong ito, malapit nang iwan ni Jesus ang Kanyang mga alagad dahil siya ay aarestuhin na, ngunit hindi Niya sila iiniwang nag-iisa at walang kasama. Nangako Siya na ipadadala Niya ang isang Tagapatnubay—ang Espiritu Santo—na mananatili sa kanila magpakailanman. Ang Espiritu Santong ito rin ang patuloy na nananahan sa atin ngayon: gumagabay, nagbabantay, nagpapalakas, at umaakay sa atin tungo sa landas ng kabanalan, kabutihan at katotohanan.
Ito rin ang parehong Espiritu Santo na ating tinanggap noong tayo ay bininyagan at lalong pinagtibay sa atin nang tanggapin natin ang Sakramento ng Kumpil. Hindi tayo nilikha ng Diyos upang pabayaan lamang sa paglalakbay ng buhay. Sa halip, nananatili Siyang malapit sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, na patuloy na tumatawag at umaakay sa atin pabalik sa Kanya tuwing tayo ay nalalayo.
Ngunit kung ang Espiritu Santo o Tagapatnubay ay laging nasa atin, bakit patuloy pa rin tayong nagkakasala? Nagkakasala pa rin tayo dahil binigyan tayo ng Diyos ng malayang kalooban. Malaya tayong pumili sa pagitan ng tama at mali, ng pagsunod at pagsuway, ng pag-ibig at pagkamakasarili.
Nakalulungkot isipin na marami pa rin sa atin ang pinipiling gumawa ng mali kahit ang Espiritu Santo ay marahang bumubulong na piliin natin ang tama. Dahil dito, nawawala ang ating kapayapaan at napupuno tayo ng pag-aalala, kalungkutan, at espirituwal na panghihina.
Ang susi upang patuloy nating maranasan ang presensya ng Tagapatnubay sa ating buhay ay simple lamang: tunay nating mahalin ang Panginoon at tapat na sundin ang Kanyang mga utos. Ngunit kahit simple ang paalalang ito, marami pa rin sa atin ang nahihirapang isabuhay ito dahil sa mga tukso, makamundong pagnanasa, at mga bagay na unti-unting naglalayo sa atin sa Diyos.
Kapag hinahayaan nating manaig ang kasalanan sa ating puso, unti-unti nating hindi naririnig ang mahinahong tinig ng Espiritu Santo. Sa halip na kapayapaan, kaguluhan ang ating nararanasan. Sa halip na kagalakan, pagkabalisa at kabigatan ang ating pasan. At sa halip na payapa at maka-Diyos na pamumuhay, tayo ay nabubuhay sa magulo, makasalanan, at walang kapanatagang buhay.
Gayunman, sa kabila ng mga pagsubok, kawalang-katiyakan, at hirap na ating kinakaharap ngayon, kung mayroon pa rin tayong kapayapaan sa ating puso, ito ay tanda na nananatili sa atin ang gumagabay at nagbibibgay ng kapanatagan na presensya ng Espiritu Santo. Ang kapayapaang ito ay hindi kayang ibigay ng mundo. Ito ay nagmumula lamang sa Panginoon at nananatili sa mga pusong tunay na nagmamahal at nagtitiwala sa Kanya.
Habang nagpapatuloy tayo sa paglalakbay ng ating buhay, nawa’y lalo nating buksan ang ating puso sa banayad na tinig ng Espiritu Santo. Nawa’y matuto tayong makinig nang mas mabuti sa Kanyang paggabay, magtiwala nang mas malalim sa Kanyang presensya, at talikuran ang anumang humahadlang sa atin upang lubos na mapalapit sa Diyos.
Naririnig pa ba natin ang banayad na tinig ng Espiritu Santo sa ating puso, o nalunod na ba ito sa ingay ng kasalanan, kapalaluan, at makamundong kagustuhan? At kung tinatawag tayo ngayon ng Diyos na magbalik-loob at muling mamuhay ng tama, handa ba tayong tumugon nang buong puso?— Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment