Ang pangalan ng Diyos ay hindi lamang salita—ito ay may banal na kapangyarihan. Ito ang nagbibigay kagalingan sa ating mga karamdaman at kalakasan sa ating mga nanghihinang kaluluwa, kung tatawagin natin sya nang may buong pananampalataya.
Nang may alagad si Jesus na humiling sa Kanya na turuan siyang manalangin, sinabi ni Jesus na ang pangalan ng Diyos ay banal. Sapagkat ito ay banal, ito ay sagrado at makapangyarihan—isang pangalan na maaari nating tawagin anumang oras, sa panahon ng pangangailangan, kalungkutan, o kagalakan.
Kailangan ding sikapin nating mamuhay nang may kabanalan para lubusan natin siyang makilala. Kapag tapat tayong nagsisikap na mamuhay nang ayon sa Kanyang kalooban ay pinalalalim natin ang ating ugnayan kay Jesus, mararanasan din natin ang lakas ng Kanyang presensya sa ating buhay. At sa mga sandaling ito, madali nating matatawag ang Kanyang makapangyarihang pangalan anumang oras.
Kaya’t kailangang konprotahin natin agad—at mabilis na talikuran—ang anumang magtutulak sa atin sa kasalanan, sapagkat isa ito sa simula ag kabanalan. Dapat din nating pag-ibayuhin ang ating pagkakilala sa Diyos at kay Jesus sa pamamagitan ng madalas na pagbabasa ng Banal na Kasulatan (Bibliya) at sa palagiang pagdalo sa Banal na Misa, kung saan natin tunay na nararanasan ang salita at biyaya ng Panginoong Jesus.
Kapag sinimulan nating gawin ang mga bagay na ito, mapapansin natin na mas madali nang tumawag sa pangalan ng Diyos—hindi lamang sa panahon ng kagipitan kundi sa lahat ng sandali ng ating buhay. Ang Kanyang pangalan ay magiging ating kanlungan, ating lakas, at ating kapayapaan.
Ngayon, itanong po natin sa ating mga sarili: Tinatawag pa ba natin ang makapangyarihang pangalan ng Panginoon Jesus—hindi lang kapag tayo’y nagdurusa, kundi pati sa mga sandaling puno ng kagalakan at pasasalamat ang ating puso? – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment