Tuesday, October 07, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para Oktubre 12, Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 17:11-19


Mabuting Balita: Lucas 17:11-19
Sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila malayu-layo at humiyaw ng: “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” 

At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. 

“Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.

+ + + + + + +
Repleksyon:
May isang kuwento tungkol sa dalagang nagkaroon ng malubhang karamdaman. Sinabi ng kanyang doktor na kailangan niyang sumailalim sa isang mapanganib na operasyon pagsapit niya ng dalawampu’t limang taong gulang; kung hindi, siya raw ay mamamatay.

Naging malungkot ang dalaga dahil wala siyang pera pang pagamot. Ngunit ang kanyang kalungkutan ay kaagad na napalitan ng lakas ng loob dahil pinanghawakan nya ang kanyang  malakas na pananampalataya sa Panginoong Jesukristo. 

Lumipas ang mga taon, at dumating ang kanyang ikadalawampu’t limang kaarawan. Gayunman, walang nangyaring masama sa kanya, ni hindi siya dumaan sa operasyon. Siya ay naging buhay pa rin at nagging mabuti ang kalusugan. Bilang pasasalamat sa kagalingang ibinigay ni Jesus, pumasok siya sa kumbento para mag madre upang ialay ang kanyang buhay sa Panginoon.

Ang kuwentong ito ay nagpapaalala sa atin na tunay ngang makapangyarihan ang Panginoong Jesus. Ang ating pananampalataya sa Kanya ay kayang magpagaling hindi lamang ng ating pisikal na karamdaman kundi pati ng mga sugat ng ating puso at kaluluwa.

Kailangan lamang nating lumapit kay Jesus nang may buong tiwala at pananampalataya, at tiyak na pakikinggan Niya tayo. Subalit, sa bawat kagalingang ating tinatanggap mula sa Panginoon, may kaakibat na tungkulin—ang magpasalamat at ibahagi sa iba ang kabutihang ating natanggap.

Sa ati pong Mabuting Balita ay may sampung ketongin ang pinagaling ni Jesus. Lahat sila ay may pananampalataya, sapagkat kung wala, hindi sana sila gumaling. Ngunit sa sampu, isa lamang—ang Samaritano—ang bumalik upang magpasalamat kay Jesus. Siya ay lumuhod sa paanan ng Panginoon at buong kababaang-loob na nagpuri at nagpasalamat sa Diyos.

Saan nag punta ang siyam na iba pa? Marahil sila’y bumalik sa kani-kanilang mga tahanan at tahimik na ipinagpatuloy ang kanilang buhay, nakalimutang magpasalamat. Sa maraming pagkakataon, tayo rin ay nagiging tulad nila—mabilis humingi ng biyaya, ngunit mabagal magpasalamat o hindi nga nagpapasalamat.

Sino ngayon ang ating tutularan—ang siyam na lumayo o ang isa na nagbalik? Maliwanag ang sagot. Tayo ay tinatawagan ng Diyos na maging tulad ng mapagpasalamat na Samaritano—mapagkumbaba at puspos ng pasasalamat.

Kapag natutunan nating magpasalamat kay Jesus sa lahat ng Kanyang ginagawa para sa atin—sa kagalingan, sa mga dasal na dinidinig, at sa bawat biyayang tinatanggap natin—mas napapalalim natin ang ating pananampalataya. Ang pusong marunong magpasalamat ay pusong laging pinagpapala.

Tayo ba ay tulad ng siyam na nakalimot magbalik, o tulad ng isa na nagpasalamat? Nakukuha pa ba nating magpasalamat kay Jesus sa bawat paggising natin sa umaga at sa bawat biyayang ating tinatanggap?- Marino J. Dasmarinas

No comments: