Humayo
kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag
kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan
upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna
ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa
kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi,
hindi sila magkakamit nito.
Manatili
kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot
sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa.
Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang
bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit
doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’
Ngunit
sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito
at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay
ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaaan ninyong nalalapit
na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom
ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng
mga taga-Sodoma!”
No comments:
Post a Comment