Mabuting Balita: Mateo 13:44-52
Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng tuwa, siya'y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.
"Gayon din naman, ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal, na naghahanap ng isang mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya'y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon."
"Ang paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihahagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukod-bukurin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kwenta.
Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin."
"Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?" tanong ni Jesus. "Opo," sagot nila. At sinabi niya sa kanila, "Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan."
No comments:
Post a Comment