1 Muling
sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan.
2 Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang
makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo
ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
3 Noo’y
inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” 4 Alam
ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng
masama? 5 Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga
kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 6 Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan
sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko:
“Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” 7 At bumangon
ang tao at umuwi. 8 Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng
pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga
tao.
No comments:
Post a Comment