Ang babaing ito'y
Hentil -- tubo sa Sirofenicia. Ipinamanhik niya kay Hesus na palayasin ang
demonyo na nasa kanyang anak; ngunit sinabi ni Hesus, "Kailangang busugin
muna ang mga anak. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa
mga tuta."
May isang babaeng Griyego na lumapit kay Jesus upang magmakaawa na palayasin Niya ang demonyo mula sa kanyang anak na babae. Ang napakahalaga sa kuwentong ito ay siya ay hindi tagasunod ni Jesus at hindi rin Hudyo. Ngunit dahil sa kanyang matibay na pananampalataya, lumapit siya kay Hesus upang humingi ng tulong. Ang kanyang puso at isipan ay nakatuon lamang sa paglapit kay Hesus, naniniwalang Siya lamang ang makapagpapagaling sa kanyang anak.
Nang sa wakas ay nakalapit siya kay Jesus, boung puso niyang ikinuwento ang paghihirap ng kanyang anak. Noong una ay tila nag-atubili si Jesus na tulungan siya. Ngunit hindi siya umatras. Sa halip, nagpatuloy siya. Nagpakumbaba siya sa harapan Niya at lubos na nagtiwala sa Kanyang awa at pag-ibig. Dahil sa kanyang pananampalataya at pagtitiyaga, gumaling ang kanyang anak.
Ganoon din sa atin, tayong lahat ay may mga pasaning dinadala sa ating mga puso. Mayroon tayong mga suliranin, pangamba, takot, at mga tahimik na panalangin na inihaharap natin kay Jesus. May mga pagkakataon na kapag hindi agad dumarating ang sagot, tayo ay pinanghihinaan ng loob. Minsan ay pakiramdam natin ay hindi tayo naririnig. Ngunit inaanyayahan tayo ng Panginoon na manatiling matatag at tapat.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa kung hindi pa natin natatanggap ang sagot sa ating mga panalangin. Sa halip, magpatuloy tayo sa pagtitiyaga. Magpakumbaba tayo sa harapan Niya. Patuloy nating hanapin ang Kanyang patnubay at tulong nang may pagtitiwala, pagtitiis, at katapatan ng puso.
Hindi sumuko ang babae hanggang sa matanggap niya ang kanyang hinihiling kay Jesus. Ganoon din, tayo rin ay tinatawag na manatiling matatag sa panalangin. Kadalasan, hindi natin natatanggap ang ating hinihiling dahil tayo ay napapagod, pinanghihinaan ng loob, o nawawalan ng pasensya. Ganito rin minsan sa ating mga pangarap, misyon, at bokasyon — may mga pagkakataon na hindi tayo nagtatagumpay hindi dahil hindi natin kaya, kundi dahil tayo ay sumusuko.
Ngunit paano kung hindi tayo susuko? Paano kung patuloy tayong magtitiwala? Paano kung patuloy nating ipagkakatiwala nang may kababaang-loob ang ating mga panalangin sa Mabuting Panginoon, naniniwalang ang Kanyang oras at kalooban ay laging para sa ating ikabubuti?
Handa ba tayong magpatuloy sa pagtitiwala, sa pananalangin, at sa pagsuko ng ating puso sa Panginoon — kahit hindi pa dumarating ang sagot sa ating hinihiling?— Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment