Tuesday, December 09, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Disyembre 10 Miyerkules sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento: Mateo 11:28-30


Mabuting Balita: Mateo 11:28-30
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at; nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko. 

Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo."

+ + + + + + +
Repleksyon:
May isang kuwento tungkol sa isang ama na bigla na lamang nawalan ng trabaho. Nabagabag ang kanyang puso habang iniisip kung paano niya itataguyod ang kanyang pamilya. Sa gitna ng kanyang takot at pangamba, siya ay lumapit sa Panginoon at taimtim na nanalangin, buong pagtitiwalang inilalagay sa Kanya ang kanyang pinagdaraanan.

Pagkalipas lamang ng tatlong araw, isang kapitbahay na may alam sa kanyang kalagayan ang lumapit at nag-alok sa kanya ng trabaho bilang drayber ng pamilya. Kaya agad niya itong tinanggap.

Marami sa atin ang maaaring dumaraan din sa ganitong mga sandali. Tayong lahat ay may mga panahong nahaharap sa mabibigat na pagsubok—karamdaman, kawalan ng trabaho, pangamba, o mga alalahaning tila hindi natin kayang dalhin mag-isa. Sa mga sandaling ito, ang ating mga puso ay naghahangad ng kapayapaan. Nais natin ng ginhawa. Hinahanap natin ang kapahingahan.

Sa Mabuting Balita, puno ng pagmamahal na sinasabi ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan, at kayo’y papaginhawahin ko.” (Mateo 11:28)

Bakit tayo tinatawagan ni Jesus na lumapit sa Kanya? Dahil alam Niya ang bigat na ating pinapasan. Mahirap ang buhay ngayon, dinagdagan pa ito ng pagnanakaw ng pera sa gobyerno tulad ng kurapsyon ng pera sa flood control.

Nakikita ni Jesus ang ating mga lihim na pakikibaka, ang mga luhang walang nakakakita, at ang mga pasaning nagpapabigat sa ating mga puso. Hindi ipinapangako ni Jesus na mawawala ang lahat ng pagsubok, ngunit ipinapangako Niya na sasamahan Niya tayo sa gitna ng mga ito. Handa Siyang tumulong sa atin na buhatin ang anumang sakit, alalahanin, at paghihirap na ating kinakaharap ngayon.

Kapag tumugon tayo sa panawagang ito ni Jesus, unti-unting may magbabago sa ating kalooban. Maaaring hindi agad mawala ang ating mga pasanin, ngunit gumagaan ang mga ito sapagkat hindi na natin sila dinadala nang mag-isa. Kasama si Jesus, muling nabubuhay ang ating pag-asa, tumitibay ang ating pananampalataya, at ang ating mga puso ay nakakahanap ng tunay na kapayapaan.

Kaya huwag na tayong mag-atubili. Tumugon tayo sa mapagmahal na paanyaya ng Panginoon. Sapagkat pag lumapit tayo sa Kanya, makikita natin na magbabago ang ating buhay at magiging matatag tayo ano mang pagsubok ang dumaan sa buhay natin.

Sa gitna ng ating mga pagsubok at pagkabagabag, handa ba tayong magtiwala, isuko ang ating mga pasanin kay Jesus? — Marino J. Dasmarinas

No comments: