Mabuting Balita: Lucas 15:1-32
Isang araw, ang mga
maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig.
2 Nagbulung-bulungan naman ang
mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, "Ang taong ito'y nakikisama
sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito." 3 Dahil dito, sinabi sa
kanila ni Jesus ang talinhagang ito. 4 "Kung ang sinuman sa inyo ay may
isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya
ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y
matagpuan? 5 Kapag nakita na
niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating
sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at
sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong
nawawala!' 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit
dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na
matuwid na di nangangailangang magsisi."
"O kaya, kung
ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang
gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay
at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag
nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay
at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang
nawawala kong salaping pilak!' 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan
ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa
kasalanan."
Sinabi pa ni Jesus,
"May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng
bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.' At hinati nga ng ama
ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas
ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa
malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat
niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa
lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang
tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa
wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga
bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. 17 Ngunit
napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, 'Labis-labis
ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa
gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, "Ama,
nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi
na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong
isa sa inyong mga alila."' 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.
"Malayo pa'y
natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang
sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi
ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako
karapat-dapat na tawaging anak ninyo.' 22 Ngunit
tinawag ng ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang
damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya
ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay
na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.' At sila nga'y
nagdiwang."
25 "Nasa bukid noon ang anak na panganay.
Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan. 26
Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, 'Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?' 27 'Dumating po ang inyong kapatid!' sagot ng
alila. 'Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong
kapatid ay nakabalik nang buhay at walang sakit.' 28Nagalit ang panganay at
ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan.
29 Ngunit sumagot siya, 'Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at
kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng
kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit
nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa
masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!' 31 Sumagot ang
ama, 'Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat
lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit
nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Sa isang malayong
lugar ay may isang bagong halal na presidente na nagulat ng matuklasan niya na
halos kalahati ng popolasyon ng kanyan bansa ay alipin ng ipinagbabawal na gamot. Kaya ang ginawa niya ay tumawag siya ng pagpupulong ng iba’t-ibang
namumuno ng mga departamento ng kanyang
bansa at sinabi niya sa kanila: Gumawa tayo ng programa na mangangalaga,
magtuturo at maggagamot sa mga taong ito para maayos nila ang kanilang buhay.
Pagkatapos ng limang
taon ang gobyerno ng presidenteng ito ay naging matagumpay sa kanilang pangarap
na alisin na ang pagkagumon ng mga taong ito sa ipinagbabawal na gamot. Ang
dating mga adik na tinulungan ng kaniyang gobyerno ay nakabalik sa kanilang
normal na buhay. Ang iba ay nagkaroon ng trabaho at kabuhayan at ang iba ay
naging volunteer na tagatulong sa
kanilang kumunidad.
Nang matatapos na
ang panunungkulan ng presidenteng ito ang mga dating adik ay nag ambag-ambag ng
anuman na kanilang makakaya. Para mag pagawa ng kanilang mga tarpaulin na nagpapasalamat
sa presidente nila. Dahil para sa kanila sila ay minsan na nawala sa tamang landas ng
buhay ngunit hindi niya sila pinabayaan.
Sa pamamagitan ng
mga talinhaga ng nawawala at natagpuang tupa, ang nawawala at natagpuang
salaping pilak at ang alibughang anak. Si Jesus sa pamamagitan ng ating mga talinhaga
sa ating mabuting balita ay nakiki-usap sa atin na huwag na huwag nating
pababayaan ang mga nawawala kahit na gaano man kabigat ang kanilang mga
kasalanan.
Ilang beses na po ba
nating pinabayaan yung mga taong nawawala sa ating mga buhay. Minsan ang ating
turing sa kanila ay wala na silang halaga dahil sa kanilang mga nagawang
pagkakamali sa atin. Kaya pinababayaan nalang natin sila na para bagang wala na
silang halaga sa ating buhay at sa ating lipunan.
Pero hindi ito ang
itinuturo sa atin ni Jesus sa ating mabuting balita bagkus ang itinuturo sa
atin ni Jesus ay huwag pababayaan ang mga nawawala sa tamang landas. Patuloy silang hanapin dahil kaya parin nilang
mag bagong buhay sa pamamagitan ng ating pagmamahal, pagpapatawad at pagtulong
sa kanila.
Pinababayaan mo
nalang ba yung mga nawawala sa tamang landas ng buhay? Kaya mo pa bang hanapin
sila, mahaling muli at tulungan na magbago? – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment