Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawad ka niya.”
Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro, ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.
Ganito ang pananampalataya at pagtitiyaga ng bulag at mahirap na si Bartimeo. Sa paningin ng tao, tila lahat ng hadlang ay nasa kanyang harapan upang magkaroon siya ng personal na karanasan kay Jesus.
Siya ay bulag, mahirap, at walang kapangyarihan o impluwensiya sa lipunan. Ngunit nang marinig niyang dumaraan si Jesus, buong lakas at pananampalataya siyang sumigaw: “Jesus, Anak ni David, maawa Ka sa akin” (Marcos 10:48).
Marami ang sumaway kay Bartimeo at pinatahimik siya, ngunit lalo pa siyang sumigaw at tumawag kay Jesus. Ano ang nagbigay sa kanya ng ganoong katatagan at lakas ng loob? Ito ay ang kanyang malalim na pananampalataya. Buong puso siyang naniwala na maririnig siya ni Jesus, papansinin siya, at pagagalingin siya.
Nakakamangha isipin na si Bartimeo ay bulag at hindi naman nakita mismo ang mga himalang ginawa ni Jesus. Ngunit naniwala pa rin siya. Sapat na para sa kanya na marinig ang makapangyarihang pangalan ni Jesus upang manalig na siya ay gagaling. Ang kanyang pananampalataya ay hindi nakabatay sa kanyang nakikita kundi sa kung sino si Jesus sa kanyang puso at buhay.
Dahil sa kanyang malalim na pananampalataya at pagtitiyaga, napansin siya ni Jesus. At sa mismong sandaling iyon, siya ay gumaling at muling nakakita. Tunay ngang ang taos-pusong pananampalataya at hindi pagsuko ay naglalapit sa atin sa puso ng Panginoon.
Sa ating buhay, may mga pagkakataong tayo ay pinanghihinaan ng loob, nasasaktan, tinatanggihan, o nabibigatan sa mga problema at pagsubok. May mga sandali ring tila tahimik ang Diyos at parang malayo Siya sa atin.
Ngunit tulad ni Bartimeo, nawa’y patuloy tayong tumawag kay Jesus nang may pagtitiwala at pag-asa. Habang hindi tayo sumusuko sa Kanya, patuloy na kikilos ang Kanyang himala sa ating buhay. Maaaring ito ay kagalingan sa karamdaman, kapayapaan ng ating puso, pagkakaisa ng ating pamilya, kasagutan sa ating matiyagang panalangin, o lakas upang dalhin ang mga krus na ating pasan araw-araw.
Hindi binabalewala ng Panginoon ang pusong mapagkumbaba at tapat na naghahanap sa Kanya. Nakikita Niya ang ating mga luha, naririnig Niya ang ating mga daing, at alam Niya ang pinakamalalim na hangarin ng ating puso. Ang kailangan lamang nating gawin ay magpatuloy sa pananampalataya, magpatuloy sa pananalangin, at manatiling malapit sa Kanya kahit gaano kahirap ang buhay.
Gaano ba tayo katiyaga sa paghahangad na magkaroon ng personal na ugnayan at karanasan kay Jesus? Gaano kalalim ang ating pananampalataya kapag dumarating ang mga pagsubok at kabiguan sa ating buhay?
Patuloy pa rin ba tayong nananalangin kahit tila matagal dumating ang kasagutan? Patuloy ba tayong nagsisimba, nakikinig sa Salita ng Diyos, at na uuhaw sa Kanyang presensya araw-araw? O madali ba tayong sumusuko at tumitigil sa pagtawag sa Kanya kapag tayo ay nahihirapan?
Kung dadaan si Jesus sa ating buhay ngayon. Katulad ba tayo ni Bartimeo na buong pananampalatayang sisigaw at tatawag sa Kanya hanggang maranasan natin ang Kanyang awa, pagpapagaling, at dakilang pagmamahal?— Marino J. Dasmarinas







