Mabuting Balita: Lucas 10: 1-12,
17-20Noong
panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya
sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya
sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin
ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin.
Humayo
kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag
kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan
upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna
ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’
Kung
maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit
kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong
tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang
manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong
magpapalipat-lipat ng bahay.
Kapag
tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo;
pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang
paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo,
lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na
dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo.
Ngunit
pakatandaaan ninyo nalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa
inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa
bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!” Bumalik na tuwang-tuwa ang
pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila. “kahit po ang mga demonyo ay
sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.”
Sumagot
si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat.
Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at
yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman,
magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil
sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Mahirap bang
sundan ang daan ni Jesus? Oo, mahirap. Pero titigil ba tayong sumunod sa Kanya
dahil mahirap, o ipagpapatuloy pa rin natin ang pagsunod kahit mahirap ang
daan?
Nang isinugo ni
Jesus ang pitumpu’t dalawa nang pares upang ihanda ang Kanyang daraanan, alam
nila na hindi ito magiging madali. Alam nila na may mga pagsubok at hirap
silang haharapin sa kanilang pag mimisyon.
Gayunpaman, sa
kabila ng lahat ng kahirapang ito na kanilang alam na daranasin nila, pinili pa
rin nilang tumuloy. Bakit? Bakit pa sila nagpatuloy kung maraming panganib at
hindi tiyak ang kanilang kahihinatnan? Nagpatuloy sila dahil nagtitiwala sila
na ang presensya ni Jesus ay laging kasama nila sa bawat hakbang ng kanilang
pag mimisyon.
Ito rin ang
madalas nagpapahina sa ating loob sa pagsunod kay Jesus: ang ating takot sa mga
hirap at hindi tiyak na bukas. Pero bakit tayo matatakot kung ang presensya ni
Jesus ay laging nasa ating tabi?
Kapag hinayaan
nating paralisahin tayo ng takot, sino pa ang maglilingkod sa ubasan ng
Panginoon? Sino pa ang mag-aalaga, magpapastol, at maglilingkod sa masaganang
ani na naghihintay?
Bakit tayo
matatakot kung si Jesus mismo ang nangako: “Ako ay laging kasama ninyo hanggang
sa katapusan ng mundo.” (Mateo 28:20)
Magpatuloy tayong
sumunod kay Jesus kahit mahirap ang daan, nagtitiwala tayo na kasama natin
Siya, na pinalalakas tayo ni Jesus, at ginagabayan tayo habang tayo ay
naglilingkod sa Kanyang ubasan. – Marino J. Dasmarinas