Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’
Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay.
Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo.
Ngunit pakatandaaan ninyo nalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!” Bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila. “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.”
Sumagot
si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat.
Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at
yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman,
magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil
sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Mahirap bang sundan ang daan ni Jesus? Oo, mahirap. Pero titigil ba tayong sumunod sa Kanya dahil mahirap, o ipagpapatuloy pa rin natin ang pagsunod kahit mahirap ang daan?
Nang isinugo ni Jesus ang pitumpu’t dalawa nang pares upang ihanda ang Kanyang daraanan, alam nila na hindi ito magiging madali. Alam nila na may mga pagsubok at hirap silang haharapin sa kanilang pag mimisyon.
Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng kahirapang ito na kanilang alam na daranasin nila, pinili pa rin nilang tumuloy. Bakit? Bakit pa sila nagpatuloy kung maraming panganib at hindi tiyak ang kanilang kahihinatnan? Nagpatuloy sila dahil nagtitiwala sila na ang presensya ni Jesus ay laging kasama nila sa bawat hakbang ng kanilang pag mimisyon.
Ito rin ang madalas nagpapahina sa ating loob sa pagsunod kay Jesus: ang ating takot sa mga hirap at hindi tiyak na bukas. Pero bakit tayo matatakot kung ang presensya ni Jesus ay laging nasa ating tabi?
Kapag hinayaan nating paralisahin tayo ng takot, sino pa ang maglilingkod sa ubasan ng Panginoon? Sino pa ang mag-aalaga, magpapastol, at maglilingkod sa masaganang ani na naghihintay?
Bakit tayo matatakot kung si Jesus mismo ang nangako: “Ako ay laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng mundo.” (Mateo 28:20)
Magpatuloy tayong sumunod kay Jesus kahit mahirap ang daan, nagtitiwala tayo na kasama natin Siya, na pinalalakas tayo ni Jesus, at ginagabayan tayo habang tayo ay naglilingkod sa Kanyang ubasan. – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment