“Ano ang gagawin natin?” wika nila. “Gumagawa ng maraming kababalaghan
ang taong ito. Kung siya’y pababayaan natin, mananampalataya sa kanya ang
lahat. Paririto ang mga Romano at wawasakin ang Templo at ang ating bansa.”
Ngunit isa sa kanila, si Caifas, ang pinakapunong saserdote noon ay
nagsabi ng ganito: “Ano ba kayo? Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti para sa
atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, sa halip na
mapahamak ang buong bansa?”
Sinabi niya ito hindi sa ganang kanyang sarili lamang. Bilang
pinakapunong saserdote ng panahong iyon, hinulaan niyang mamamatay si Hesus
dahil sa bansa – at hindi dahil sa bansang iyon lamang, kundi upang tipunin ang
nagkawatak-watak na mga anak ng Diyos. Mula noon, binalangkas na nila kung
paano ipapapatay si Hesus, kaya’t hindi na siya hayagang naglakad sa Judea. Sa
halip, siya’y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang. At doon siya
nanirahang kasama ng kanyang mga alagad.
Nalalapit na ang Pista ng Paskuwa. Maraming taga-lalawigang pumunta sa Jerusalem bago mag-Paskuwa upang isagawa ang paglilinis ayon sa Kautusan. Hindi nila nakita si Hesus sa templo, kaya’t nagtanungan sila,”Ano sa akala ninyo? Paririto kaya sa pista o hindi?” Ipinag-utos ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo na ituro ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Hesus upang siya’y maipadakip nila.