Mabuting
Balita: Marcos 4:1-20
• 1 Muling nagsimulang magturo si Jesus sa tabing-dagat at marami
ang nagkatipon sa kanya. Kaya sumakay siya sa bangka at naupo. Nasa dagat siya
at nasa tabing-dagat naman ang lahat. 2 At marami siyang itinuro sa kanila
sa tulong ng mga talinhaga. Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo:
3 “Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. 4 Sa
kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon
at kinain ang mga iyon. 5 Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw
ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. 6 Ngunit
pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. 7 Nahulog
ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga
ito ang halaman at hindi namunga. 8 Nahulog naman ang iba sa matabang lupa
at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba
at sandaan ang iba pa.”
9 At idinagdag ni Jesus: “Makinig ang may tainga!” 10 Nang
wala na ang mga tao, tinanong siya ng mga nakapalibot sa kanya, na kasama ng
Labindalawa tungkol sa mga talinhaga: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga
ka nagsasalita sa kanila?” 11 At sinabi sa kanila ni Jesus: “Sa inyo
ipinagkakaloob ang lihim ng kaharian ng Langit ngunit sa mga iyon na nasa
labas, ang lahat ay sumasapit gaya ng talinhaga. 12 Kaya tumitingin sila
pero di nakakakita; nakaririnig pero di nakauunawa kaya naman di sila
nagbabalik-loob at di pinatatawad.”
• 13 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ninyo nauunawaan
ang talinhagang ito, kayat paano ninyo mauunawaan ang iba pa? 14 Ang
Salita ang inihahasik ng manghahasik. 15 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang
mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa Salita ay agad na dumating
ang Masama at inagaw ang nahasik sa kanila.
16 Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita,
kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. 17 Ngunit hindi ito
nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok
at pag-uusig dahil sa Salita, agad-agad silang natitisod. 18 May iba pang
nahasik sa mga tinikan. Ang mga ito ang nakarinig sa Salita. 19 Ngunit
pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan
at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na
nakapagbunga.
20 Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig
sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o
tatlumpu.”
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.