Mabuting
Balita: Marcos 2:1-12
1 Pagkaraan ng ilang araw, pumasok si Jesus sa Capernaum. Nang mabalitang
nasa bahay siya, 2 marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa
may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita. 3 May mga tao namang dumating
at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat.
4 At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao,
inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at
pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan. 5 Nang
makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak!
Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6 May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila:
7 “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba
ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos
lamang?” 8 At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang
kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga
kaisipan ninyong ito?
9 Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang
iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’?
10 Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao
na magpatawad ng kasalanan.”
At sinabi niya sa paralitiko: 11 “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka,
dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” 12 At bumangon nga ang tao, agad na
kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat
at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng
ganito.”
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.