Wednesday, December 24, 2025

Ang Mabuting Balita para Huwebes Disyembre 25 Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon (Misa sa Araw): Juan 1:1-18


Mabuting Balita: Juan 1:1-18
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan.

Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman.

Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumarating sa sanlibutan.

Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Ngunit ang lahat ng tumanggap at nanalig sa kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos. Sila nga’y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos.

Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak.

Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. At ganito ang kanyang sigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko’y higit sa akin, sapagkat siya’y siya na bago pa ako ipanganak.’”

Dahil sa siya’y puspos ng pag-ibig, tayong lahat ay tumanggap mula sa kanya ng abut-abot na kaloob. Sapagkat ibinibigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises ngunit ang pag-ibig at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Hesukristo. Kailanma’y walang nakakita sa Diyos, subalit ipinakilala siyang bugtong na Anak – siya’y Diyos – na lubos na minamahal ng Ama.

+ + + + + + +
Repleksyon:
Anong uri ng kaisipan ang mayroon tayo sa panahong ito ng Pasko?

Sa panahon ng Pasko, inaanyayahan tayong huminto at suriin ang ating mga puso. May dalawang pangunahing kaisipan na humuhubog sa ating pag-iisip at pagkilos: ang kaisipan ng pagtanggap at ang kaisipan ng pagbibigay. Ang kaisipan ng pagtanggap ay nagdudulot sa atin ng pananabik at kasiyahan habang inaabangan natin ang mga regalo, pagdiriwang, at mga biyaya.

Ngunit may mas malalim at mas nagbibigay-buhay na kaisipan—ang kaisipan ng pagbibigay. Ito ang kaisipang gumigising sa ating kalooban ng isang taimtim na pagnanais na hinuhubog at pinananabikan ng Panginoong Hesus mismo. Kapag tayo ay nagbibigay, hindi lamang tayo nag-aabot ng isang bagay na materyal; tayo ay nagbibigay mula sa puso—isang handog na may saysay, may malasakit, at tunay na makabuluhan sa tumatanggap. Hindi tayo nagbibigay para lamang masabing nagbigay; tayo ay nagbibigay dahil tayo ay puno ng pag-ibig sa ating kapwa.

Ipinakita sa atin ng Diyos ang ganap na halimbawa ng ganitong pagbibigay. Ibinigay Niya sa atin ang Kaniyang Anak na si Hesus—ang Salitang nagkatawang-tao at nanahan sa atin. Siya ang Ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, ang Ilaw na nagbibigay-buhay, kaliwanagan, at pag-asa sa mundong nasa gitna ng kadiliman.

Ang tunay na diwa ng Pasko ay matatagpuan sa kaisipan ng pagbibigay. Hindi mahalaga kung may matanggap man tayo o wala; ang mahalaga ay tayo ay marunong magbigay. Ito ang ninanais ng Diyos sa atin: ang matutong magbigay, tulad ng Kaniyang pagbibigay sa atin ng Kaniyang Bugtong na Anak.

Isipin natin kung gaano kalaki ang magiging epekto sa buhay ng isang mahirap na pamilya ngayong Pasko kung tayo ay magbabahagi sa kanila ng pagkain—hindi lamang mula sa ating sobra, kundi mula sa pusong handang magsakripisyo. Isipin din natin kung gaano kalaking pag-asa ang ating maibibigay kung tayo ay magbibigay ng damit o anumang materyal na bagay na mula sa kaibuturan n gating puso.

At sa bawat paggawa natin ng kabutihan, tahimik nating inihahatid sa kanila ang pinakadakilang handog—si Hesus mismo, na nagiging buhay sa pamamagitan ng ating pagmamahal at pagkalinga.

Sa pagdiriwang natin ng Pasko tanungin natin ang ating mga sarili nang taimtim at may panalangin: Mayroon ba talaga tayong kaisipan ng pagbibigay at pagtulong sa ating kapwa? — Marino J. Dasmarinas

No comments: