Friday, December 26, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon Sabado Disyembre 27 Kapistahan ni Apostol San Juan, manunulat ng Mabuting Balita: Juan 20:2-8


Mabuting Balita: Juan 20:2-8
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. 

Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala.

+ + + + + + +
Repleksyon:
May mga sandali ba sa ating buhay na tayo’y may malalim na pagkauhaw sa Diyos gusto natin maramdaman ang kanyang presensya pero tila hindi natin Siya matagpuan? May mga pagkakataong hinahanap natin Siya, nananalangin tayo nang taimtim, ngunit tila hindi niya tayo naririnig. Sa mga sandaling ito, huwag tayong sumuko. Sapagkat kapag tayo’y nagpatuloy at nagtiyaga sa paghahanap sa Kanya nang may bukas at tapat na puso, tiyak na matatagpuan natin Siya.

Kung nais natin ang mas malalim na ugnayan sa Panginoon at gawin Siyang kaibigan at araw-araw na kasama sa ating buhay, inaanyayahan tayong yakapin natin ang isang buhay na nakaugat sa pananampalataya at debosyon:

Lagi tayong maglaan ng panahon upang makibahagi sa pagdiriwang ng Banal na Misa, kung saan nakakatagpo natin si Hesus sa Salita at Sakramento.

Ugaliin natin ang araw-araw na pananalangin, kahit dalawang beses sa isang araw—pagkagising sa umaga at bago matulog sa gabi—upang humingi ng gabay, mag pasalamat at ialay sa Panginoon ang lahat ng ating mga ginagawa.

Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Banal na Kasulatan o Bibliya, simula sa unang apat na Ebanghelyo ng Bagong Tipan, upang mas makilala natin si Hesus.

Tuklasin natin ang napakalalaking biyayang espirituwal na dulot ng pagdarasal ng Banal na Rosaryo, habang tayo’y nakikiisa kay Maria sa pagninilay sa buhay ng kanyang Anak.

Magkaroon tayo ng masidhing pananabik sa mga Sakramento ng Banal na Komunyon at Kumpisal, kung saan tayo’y tumatanggap ng kapatawaran, kagalingan, panibagong lakas at marami pang mga grasya mula sa Panginoon.

Kapag tapat nating isinasabuhay ang mga ito, unti-unti nating mauunawaan na ang Diyos ay hindi kailanman lumalayo sa atin. Siya’y palaging kasama natin—gumagabay, nananahan sa ating puso, at nananatiling tapat sa bawat yugto ng ating buhay.

Sa Ebanghelyo, sina Maria Magdalena, Simon Pedro, at ang isa pang alagad ay nagtungo sa libingan ni Hesus, ngunit natuklasan nilang Siya’y wala na roon, sapagkat Siya’y muling nabuhay. Ang kanilang hinahanap ay ang pisikal na presensya ng Panginoon, ngunit ang Katotohanang kanilang hindi pa lubos na nauunawaan ay ito: ang Buhay na Kristo ay nasa kanilang mga puso na dahil sila ay may malapit na ugnayan sa Kanya.

Gayon din sa ating buhay—kapag pakiramdam natin na tila wala ang Diyos, kadalasan Siya’y mas malapit kaysa ating inaakala, tahimik na nananatili, matiyagang naghihintay, at mapagmahal na inaanyayahan tayong magtiwala at manatili sa Kanya.

Kaya ngayon, tanungin natin ang ating mga sarili: Hinahanap ba talaga natin ang Panginoon nang may pagtitiyaga at bukas na puso, at handa ba tayong lumapit sa Kanya araw-araw upang makilala at maranasan ang Kanyang buhay na presensya sa ating sariling buhay? – Marino J. Dasmarinas

No comments: