Monday, December 01, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon Disyembre 2 Martes sa Unang Linggo ng Adbiyento: Lucas 10:21-24


Mabuting Balita: Lucas 10:21-24
Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita Ama. Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo. Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. 

Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.” Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”

+ + + + + + +
Repleksyon:
Nag lalaan ba tayo ng oras ng pakikipag-ugnayan at panalangin sa Diyos?

Ang komunikasyon ang puso ng ating ugnayan sa Diyos. Habang mas madalas tayong nakikipag-usap at nananatili sa Kanya sa panalangin at katahimikan, mas lalo Niyang inilalapit ang ating mga puso sa Kanyang pag-ibig. Sa patuloy na pakikipag-ugnayan, lalalim ang ating pagkakaibigan at relasyon sa Diyos.

Sa Mabuting Balita ngayon, nasasaksihan natin si Jesus na taimtim na nakikipag-ugnayan sa Diyos Ama sa pamamagitan ng panalangin. Siya’y nagpupuri, ngunit ang Kanyang panalangin ay hindi lamang pagbigkas ng papuri. Siya’y nananalangin dahil sa Kanyang pananabik sa Ama. At mula sa pananabik na ito ay nabubuo ang mas malalim na pagkakaisa at pakikipag-isa sa Kanya—isang ugnayang nagbibigay-buhay at lakas sa Kanyang misyon.

Tayo rin ay inaanyayahang mamuhay na may ganitong pananabik at uhaw sa Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Ang panalangin ay hindi lamang isang gawi sa relihiyon; ito ang ating hininga, ang ating sandigan. Kapag tumigil tayo sa pakikipag-usap sa Diyos, unti-unti tayong kakainin tayo ng mundong ito. Maaaring matatag ang ating anyo sa panlabas, ngunit sa kaibuturan, nagiging mababaw at marupok ang ating pananampalataya hangang sa ito ay mawala ng tuluyan.

Kaya’t inaanyayahan tayong magbalik—araw-araw—sa ating regular na sandali ng panalangin. Maglaan tayo ng oras upang purihin Siya, pasalamatan Siya, at ipagkatiwala sa Kanya ang lahat ng tayo’y mayroon at tinataglay. Huwag nating hintayin ang mga sandali ng matinding pangangailangan at pagsubok bago tayo makipagugnay sa Diyos. Inaanyayahan Niya tayong makasama hindi lamang sa oras ng problema, kundi maging sa karaniwan at tahimik na mga sandali ng ating buhay.

Kaya ngayon, magmuni-muni tayo: Tunay ba nating binibigyan ng oras ang Diyos araw-araw, o hinahanap lamang natin Siya kapag wala na tayong ibang masandalan? Handa ba tayong hayaang ang panalangin ang humubog sa ating buhay, magpalalim sa ating pananampalataya, at magdala sa atin sa isang buhay at personal na pakikipag-ugnayan sa Kanya? — Marino J. Dasmarinas

No comments: