Monday, November 24, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon Nobyembre 25 Martes sa Ika-34 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 21:5-11


Mabuting Balita: Lucas 21:5-11
Noong panahong iyon, pinag-uusapan ng ilang tao ang templo – ang kahanga-hangang mga bato na ginamit dito at ang mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato.”

Tinanong nila si Hesus, “Guro, kailan po ito mangyayari? At ano ang magiging palatandaan na ito’y magaganap na?” Sumagot siya, “Mag-ingat kayo at nang hindi mailigaw ninuman! Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako ang Mesias!’ at, ‘Dumating na ang panahon!’

Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karaka-raka ang wakas.” 

At sinabi pa niya, “Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa Langit.”

+ + + + + + +
Repleksyon:
Takot ba tayo sa katapusan ng mundo?

Ipinapaalala sa atin ni Jesus ang pagguho ng mga magagandang gusaling hinahangaan natin. Darating ang araw na ang lahat—maging ang mga sagradong lugar ng pagsamba—ay lilipas din. Kahawig nito ang mga palatandaan ng mga huling araw. Ngunit sa gitna ng mga babalang ito, marahang sinasabi sa atin ni Jesus: “Huwag kayong matakot” (Lucas 21:9).

Kaya ano ang dapat nating gawin? Hahayaan ba nating kainin tayo ng takot sa mga nakikita nating pangyayari? O mahigpit ba tayong kakapit kay Jesus, na paulit-ulit na nagpapaalala, “Huwag kayong matakot”? Siyempre, ang ating mga puso ay kumakapit sa Kanyang mga salita.

Totoong nagaganap ang mga lindol, malalaking kalamidad, at mga digmaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ngunit huwag tayong mabalisa maging panatag parin tayo sapagkat palaging nandiyan si Jesus na ating sandigan. Hindi kailanman ninais ng Diyos ang ating pagkapahamak; kung nais Niya iyon, hindi Niya ipapadala si Jesus upang makisama sa atin, mahalin tayo, at ialay ang Kanyang buhay para sa atin sa krus.

May mga digmaan dahil tayo mismo ang lumilikha nito—bunga ng ating kasakiman sa kapangyarihan. Ganito rin ang nangyayari sa ating pang-aabuso sa kalikasan, na nagdudulot ng mas malalakas na bagyo at unos tulad ng nangyari sa Cebu. Ano ang bunga? Matinding pagkasira at pagkawala ng buhay at mga ari-arian—mga trahedyang sana’y naiwasan kung nagkaroon lamang tayo ng malasakit sa nilikha ng Diyos at sa isa’t isa.

At kahit sa harap ng mga nakakatakot na palatandaan, hindi Niya tayo iniiwan. Nanatili ang Panginoon sa piling natin. Sa gitna ng lahat ng kaguluhan at kawalan ng katiyakan, inaanyayahan Niya tayong maging payapa, manalangin, at palalimin ang ating pananampalataya sa Diyos na may hawak ng lahat ng bagay.

Kapag yumanig ang ating mundo, pipiliin ba natin ang matakot… o pipiliin nating magtiwala sa Kanya na nagsasabing, “Huwag kayong matakot”? – Marino J. Dasmarinas

No comments: