Friday, November 07, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Linggo Nobyembre 9 Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilika ng San Juan De Letran sa Roma: Juan 2:13-22


Mabuting Balita: Juan 2:13-22
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mangangalakal, pati mga baka at tupa.

Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”

Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”

Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus.

+ + + + + + +
Repleksyon:
Nererespeto at iginagalang pa ba natin ang Simbahan bilang templo ng Diyos?

Madalas, nakakalimutan natin na ang Simbahan ay hindi lamang isang gusali. Ito ay isang banal na lugar—isang tahanan ng panalangin, pagsamba, at pakikipagtagpo sa Diyos. Subalit may mga pagkakataon na ginagamit ito sa mga bagay na malayo sa kabanalan—tulad ng mga kuwentuhang at tsismisan na walang ibang layunin kundi ang sirain ang ating kapwa.

Ginagamit din itong merkado ng negosyo at kung minsan pa ay sa mga gawaing masama. Nakalulungkot isipin na minsan, tayo pa mismong mga aktibo sa paglilingkod sa Simbahan ang gumagawa nito.

Ngunit hindi lamang ang Simbahan ang templo ng Diyos. Ipinapaalala sa atin ni Jesus na ang ating mga katawan ay templo rin ng Espiritu Santo. Paano natin ito iginagalang? Ano ang ating pinakakain sa ating mga isip at puso araw-araw?

Marami sa atin ang ginugugol ang oras, pera, at isip upang pagandahin ang panlabas nating anyo—nagpapaputi ng balat, nagpaparetoke, at nagbabago ng hitsura upang maging kaakit-akit sa paningin ng tao.

Ngunit hinahamon tayo ni Jesus na tumingin sa loob—sa ating kalooban. Dahil ang tunay na kagandahan ay hindi nasusukat sa kulay ng balat,  ganda ng mukha at tangos ng ilong, kundi sa kabutihan ng puso, kagandahan ng ugali at kabanalan ng kaluluwa.

Ang tunay na layunin ng Simbahan ay maging kanlungan ng mga dukha, tahanan ng mga nawawala, at silungan ng mga nawawalan ng pag-asa. Gayundin, ang ating katawan ay dapat maging tahanan din ng Diyos—malinis, hindi magarbo, at may pusong tapat sa Kanya. Tinatawag Niya tayong pahalagahan at tanggapin ang ating sarili, sapagkat tayo ay nilikha ayon sa Kanyang wangis.

Hindi mahalaga kung hindi tayo maganda o guapo ayon sa pamantayan ng mundo. Ang tunay na mahalaga ay ang kagandahang nagmumula sa ating  kalooban—ang pagmamahal natin sa Diyos at sa kapwa.

Sa bawat pagpasok natin sa Simbahan at sa tuwing titingin tayo sa harap ng salamin itanong natin sa ating sarili: Naipapakita ko ba sa aking gawa, ugali at isip ang pag galang sa simbahan at sa aking katawan bilang templo ng Panginoon?– Marino J. Dasmarinas

No comments: