Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas at sa makalawa; sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta! “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo ko sa iyo! Makailan kong sinikap na kupkupin ang iyong mga mamamayan, gaya ng paglukob ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo.
Kaya’t lubos kang pababayaan. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pagpalain nawa ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Nanganganib noon, ang buhay ni Jesus dahil kay Haring Herodes—ang parehong Haring Herodes na nag-utos ng pagpugot sa ulo ni Juan Bautista. Ngunit sa halip na magtago o tumakas, matatag na hinarap ni Jesus ang sitwasyon.
Sinabi Niya sa mga Pariseo, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon, ‘Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos Ko ang Aking gawain’” (Lucas 13:32–33).
Hindi pinanghinaan si Jesus ng loob kahit nanganganib ang Kanyang buhay. Ang Kanyang puso ay nakatuon lamang sa misyong iniatas ng Ama. Ganyan si Jesus—tapat, matatag, at buong tapang, kahit kapalit nito ang Kanyang sariling buhay para sa ating kaligtasan.
Tulad Niya, tayo rin ay haharap sa mga pagsubok, pang-uusig, at takot sa ating paglalakbay sa buhay. May mga sandaling tila napakalaki ng ating hinaharap na suliranin at tila gusto na nating sumuko pero hindi tayo dapat sumuko.
Kung ang ating ginagawa ay para sa Diyos at para sa kabutihan ng ating kapwa, kailangan nating magpatuloy nang may pananampalataya, katapangan, at pagmamahal sa ating ginagawa.
Dahil, sa oras ng ating kahinaan, lalo namang nahahayag ang lakas ng Diyos sa ating buhay. Kapag buong puso tayong nagtitiwala sa Kanya, walang banta, takot, o balakid ang makapipigil sa atin na tuparin ang ating banal na tungkulin.
Pipiliin ba nating mabuhay sa takot—o pipiliin nating manindigan sa pananampalataya at ipagpatuloy ang misyong ibinigay sa atin ng Diyos? — Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment