Tuesday, October 21, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Oktubre 24 Biyernes sa Ika-29 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 12:54-59


Mabuting Balita: Lucas 12:54-59
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa mga tao, "Kapag nakita ninyong Makapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at gayon nga ang nangyayari. At kung umiihip ang hanging timog ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakagayon nga. Mga mapagpaimbabaw!

Marunong kayong bumasa ng palatandaan sa lupa't sa langit, bakit hindi ninyo mabasa ang mga tanda ng kasalukuyang panahon? 

"Bakit hindi ninyo mapagpasiyahan kung alin ang matuwid? Kapag isinakdal ka sa hukuman, makipag-ayos ka sa nagsakdal habang may panahon; baka kaladkarin ka niya sa hukuman, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo."

+ + + + + + +
Repleksyon:
May isang lalaking babaero at iresponsableng asawa na palaging pinapayuhan ng kanyang ina na magbago at ituon ang kanyang buong pansin sa kanyang pamilya. Ngunit napakalakas ng tukso, kaya’t hindi niya pinakinggan ang payo ng kanyang ina.

Paglipas ng panahon, ang pagtitimpi ng kanyang asawa ay umabot na sa sukdulan. Iniwan siya ng kanyang asawa at mga anak. Nang siya’y nag-iisa na, doon lamang niya lubos na naunawaan kung gaano siya naging iresponsable.

Hindi ba’t ganito rin tayo kung minsan? Patuloy tayong nagkakasala kahit alam nating mali ito. Manhid na tayo sa mga paalalang makadiyos at makabuluhan dahil mas pinipili nating sundin ang mga bagay na nagbibigay pansamantalang saya o ginhawa.

Tunay na kaakit-akit ang kasalanan—at alam ito ng demonyo. Itinatago niya ito sa anyo ng kasiyahan, tagumpay, o kaginhawahan hanggang sa unti-unti nitong sirain ang ating kapayapaan, mga relasyon, at maging ang ating kaluluwa.

Ngunit may mensahe si Jesus para sa ating lahat sa Mabuting Balita: Talikuran natin nang lubos ang ating kasamaan bago pa tayo tuluyang masira nito. Sapagkat kapag hinayaan nating mamayani ang kasalanan sa ating puso, hindi lamang tayo ang masasaktan kundi pati ang mga taong pinakamamahal natin. Maaaring hindi agad natin makita ang bunga nito, ngunit darating at darating ang oras ng kabayaran.

Sa Mabuting Balita ngayon, kinastigo ni Jesus ang mga tao dahil sa kanilang pagkukunwari. Marunong silang magbasa ng panahon at ulap, ngunit sinadyang bingi sa Kanyang panawagan ng pagbabalik-loob. Hindi ba’t madalas ganito rin tayo? Marunong tayong makinig sa tinig ng mundong ito, ngunit isinasara natin ang ating mga tainga kapag si Jesus na ang tumatawag sa atin.

Pakinggan natin si Jesus na patuloy na nananawagan sa atin na magsisi at magbago. Ito ang tamang hakbang para sa ating ikabubuti. Maaaring mahirap sa simula ang Kanyang mga aral dahil nangangailangan ito ng masakit na paglilinis at pagbabago ng pamumuhay. Ngunit ang paglilinis na ito, kahit puno ng pagsubok, ay nagbubunga ng kapayapaan at kaligayahang walang katulad—ang kapayapaang nagmumula lamang kay Jesus.

Huwag na nating hintayin pang maranasan ang mapait na bunga ng kasalanan bago tayo magbalik-loob. Ngayon pa lamang, buksan na natin ang ating mga puso at pakinggan ang paanyaya ni Jesus na magbago at magbagong-buhay. Hindi Siya lumapit upang tayo’y hatulan, kundi upang tayo’y yakapin at baguhin sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang awa at pag-ibig.

Patuloy ba tayong mag bibibingi-bingihan sa gitna ng Kanyang pagtawag, o bubuksan na natin ang ating puso upang sundin Siya? Nang sa gayon ay maranasan natin ang tunay na kapanatagan na matagal na nating hinahanap. — Marino J. Dasmarinas

No comments: