Tuesday, October 21, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Oktubre 23 Huwebes sa Ika-29 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 12:49-53


Mabuting Balita: Lucas 12:49-53
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa -- at sana'y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga't hindi natutupad ito! Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa?

Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkabaha-bahagi. Mula ngayon, ang lima katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki, ang ina at ang anak na babae, at gayon din ang biyenang babae, at manugang na babae."

+ + + + + + +
Repleksyon:
Ano nga ba ang ibig sabihin ng nag-aalab para kay Hesus?

Ibig sabihin nito ay hinahayaan nating kumilos ang Espiritu Santo sa ating buhay sa pamamagitan ng pagbabahagi at pamumuhay ayon sa mga aral ni Hesus. Noong araw ng Pentekostes, nasa isang silid sa itaas ang Mahal na Ina, ilang kababaihan, at mga apostol (Gawa 1:12–14).

Habang sila’y nagtitipon, bumaba ang Espiritu Santo sa anyo ng mga dilang apoy at dumapo sa bawat isa sa kanila (Gawa 2:1–3). Mula noon, pinayagan nilang sindihan ng apoy ng pagmamahal at mga aral ni Hesus ang kanilang mga puso.

Sa ating Binyag, tinanggap din natin ang parehong apoy ng Espiritu Santo. At lalo pang pinagtibay ng Espiritu Santo ang ating pananampalataya noong ating Kumpil. Hindi tanong kung kasama natin ang Espiritu Santo—sapagkat Siya ay nasa atin na—ang tanong ay kung hinahayaan ba nating magningas ang apoy na iyon sa ating buhay.

Tayo ba ay tunay na nag-aalab para kay Hesus? Madalas, tayo ay nananatiling tahimik at mahiyain sa ating pananampalataya. Pumupunta tayo sa simbahan para sa Banal  na Misa, nagdarasal sa ating mga silid, at naniniwala kay Hesus— pero ipinapahayag o isinasabuhay ba natin Siya? Nakikita ba ng mundo ang liwanag ni Kristo sa ating pamumuhay?

Bakit hindi natin hayaang muling sindihan ng Espiritu Santo ang apoy sa ating mga puso? Maaari tayong magsimula sa mga simpleng hakbang—tulad ng pagtatakda ng lingguhan o buwanang pagbasa at pagninilay ng Salita ng Diyos kasama ang ating pamilya o mga kaibigan. Maaari tayong magdasal nang magkakasama, magnilay, at magbahagi ng ating repleksyon sa salita ng Diyos.

Pag ginawa natin ito maaaring may mga pagsubok tayong kaharapin—mga hindi pagkakaunawaan, pagtutol, o maging panlilibak. Ngunit hangga’t ginagawa natin ito nang may kababaang-loob at pag-ibig, wala tayong dapat katakutan. Ang anumang pagkakahating maaaring idulot ng ating pananampalataya ay sa kalaunan ay magiging pagkakaisa—sapagkat ang liwanag ni Hesus ay laging nagdudulot ng kagalingan, kapayapaan, at pagkakasundo.

Ang parehong Espiritu Santo na nagbigay ng tapang sa mga apostol ay buhay at kumikilos sa atin ngayon. Nais Niyang sindihan muli ang ating mga puso upang maging tunay tayong mga saksi ni Hesus sa ating mga tahanan, paaralan, trabaho, komunidad, at kung saan man tayo.

Handa ba tayong pahintulutan ang Espiritu Santo na pag alabin ang apoy sa ating mga puso upang sa pamamagitan natin ay madama rin ng iba ang nag aapoy na pag-ibig ng Diyos? — Marino J. Dasmarinas

No comments: