Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?”
Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”
Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan.
Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian.
Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’
Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Paano ba natin Ipinapahayag ang ating pagmamahal sa Diyos at sa Kapwa?
Ipinapahayag natin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kapwa sa pamamagitan ng pag-aaruga at pagtulong sa mga nangangailangan—kahit sino pa sila. Sapagkat hangga’t may mga taong nangangailangan, tungkulin nating tumulong. Pero may mga tao din na, kahit nahihirapan na, ay ayaw pa ring humingi ng tulong. Dahil sila ay nahihiyang humingi ng tulong kaya’t pinipili nalang nila na tahimik na magtiis sa kanilang pagdurusa.
Ano ang dapat nating gawin? Dapat ay tulungan natin sila sa abot ng ating makakaya. Huwag nating patigasin ang ating mga puso. Huwag tayong maghintay na lapitan tayo bago tumulong. Ang dalisay na pagtulong ay ginagawa kahit hindi tayo hinihingan ng tulong.
Sa atin pong Mabuting Balita ay may isang escriba na nagtanong kay Jesus—“Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”—at ito rin ang tanong nating lahat. Kaya itinuro ni Jesus ang kasagutan na nasa Kautusan: Ibigin mo ang Diyos at ang iyong kapwa. Ang dalawang utos na ito ang susi sa buhay na walang hanggan.
Ipinakita pa ni Jesus ang kahulugan nito sa pamamagitan ng kuwento ng lalaking ninakawan at pinahirapan ng mga tulisan. Habang siya’y sugatan at walang magawa, dumaan ang isang pari at isang Levita—mga iginagalang sa lipunan at nag sisilbi sa kanilang simbahan—ngunit wala ni isa man sa kanila ang tumulong.
Ngunit nang dumating ang isang Samaritano, isang taong itinuturing na banyaga, ay siya pa ang naantig ang puso. Nilapitan niya ang sugatang lalaki, ginamot, at dinala pa sa bahay-panuluyan upang maalagaan nang maayos.
Hindi sapat na sabihin lang natin, “Iniibig ko ang Diyos at ang aking kapwa.” Ang mga salitang ito ay walang kabuluhan kung hindi natin isinasabuhay. Binibigyan natin ng buhay at kahulugan ang dalawang dakilang utos na ito kapag tayo mismo ay naging tulad ng mahabaging Samaritano—nakakakita, nakadarama, at kumikilos para tumulong sa nangangailangan.
Bawat mabuting gawa natin ay nagiging patunay ng ating pag-ibig sa Diyos. Sa tuwing tayo’y lumalapit sa mga naghihirap, nalulungkot, o nakakalimutan na ng lipunan, tayo ay nagiging buhay na larawan ng pag-ibig ni Kristo sa mundo.
Handa ba tayong maging tulad ng mahabaging Samaritano ngayon—ang magpahayag ng ating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng ating gawa, hindi lang sa salita? Kapag may nangangailangan sa ating pamilya, kaibigan at sa ating paligid, tayo ba’y dadaan lang, o tayo’y hihinto upang magmalasakit, tumulong at magmahal? – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment