Tuesday, October 28, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Oktubre 29 Miyerkules sa Ika-30 na Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 13:22-30


Mabuting Balita: Lucas 13:22-30
Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay. Siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan patungong Jerusalem. May isang nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya, “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. 

Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok. “Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ 

At sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.’ Sasabihin naman ng Panginoon, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!  Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!’ 

Tatangis kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama’y ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”

+ + + + + + +
Repleksyon:
Magkaibigang matalik sina Mike at Joseph. Si Mike ay galing sa mahirap na pamilya, samantalang si Joseph ay mula sa mayaman. Dahil sa kayamanan, nakakamtan ni Joseph ang lahat ng gusto niya. Ngunit sa sobrang layaw, lumaki siyang palalo at hindi natapos ang kanyang pag-aaral. Samantala, si Mike na galing sa mahirap na pamilya ay nagsumikap. Siya’y naging working student upang maipagpatuloy at matapos ang kanyang kolehiyo.

Lumipas ang sampung taon, at nagbago ang takbo ng kanilang buhay. Si Mike, na dating mahirap, ay naging matagumpay dahil sa kanyang pagsisikap at determinasyon. Ngunit si Joseph, na dating mayaman at spoiled, ay naghirap at naging miserable.

Napakahalaga ng mga unang at huling pananalita ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayon. Sinabi Niya: “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan… Sapagkat may mga nauuna na magiging huli, at may mga nahuhuli na magiging una.” (Lucas 13:24, 30)

Sino ang mga taong nagsisikap pumasok sa makipot na pintuan? Sila ang mga handang magsakripisyo, magpakumbaba, at magtiis alang-alang sa Panginoon. At sino naman ang mga nauuna na magiging huli? Sila ang mga pinili ang madali, maginhawa, at makamundong pamumuhay—ang mga namumuhay para sa sarili, hindi para sa Diyos.

Ang ating pagsunod kay Jesus ay hindi kailanman madali. Madalas ay puno ito ng pagsubok, paghihirap, at pagtitiis. Tila ba tayo’y dumaraan sa isang makipot na daan. Ngunit ito ang tunay na daan ng pananampalataya. Sapagkat sinabi mismo ni Jesus: “Kung ibig ninyong sumunod sa Akin, itakwil ninyo ang inyong sarili, pasanin ninyo ang inyong krus, at sumunod kayo sa Akin.” (Mateo 16:24)

Kung tayo man ay dumanas ng hirap o pagtutol dahil sa ating pananampalataya, huwag tayong panghinaan ng loob. Ang makipot na daan ay mahirap, ngunit ito ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Kung tayo man ay tuyain o layuan dahil sa ating katapatan kay Kristo, magpakatatag tayo. Ang mundong ito ay pansamantala lamang, ngunit ang gantimpala ng mga tapat ay walang hanggan sa Kaharian ng Diyos.

Sa huli, ang mga nauna sa mundo—ang mga nabuhay sa layaw, kasamaan at kawalan ng dereksyon—ay mahuhuli sa harap ng Diyos. Ngunit ang mga nagsumikap, nagpakumbaba, at nanatiling tapat sa kabila ng lahat ay siyang itataas Niya sa Kanyang Kaharian. Ang makipot na daan ay hindi madali, ngunit ito ang daang patungo sa kaharian ng Diyos.

Handa ba tayong tahakin ang makipot na daan kasama si Jesus—ang daang puno ng sakripisyo, kababaang-loob, at pananampalataya—upang balang araw ay makapasok tayo sa walang hanggang buhay na inihanda Niya para sa atin? – Marino J. Dasmarinas

No comments: