Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag niyang mga apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo, si Simon, ang Makabayan; si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.
Gayon din naman, kapag ang isang babae ay nagnanais maging madre, siya rin ay dumaraan sa mahabang panahon ng paghuhubog bago tuluyang ialay ang kaniyang buhay sa Diyos.
Ngunit bakit nga ba si Jesus ay tumawag ng mga karaniwang tao upang maging Kaniyang mga apostol? Marahil nais Niyang ipabatid sa atin na ang pagiging tagasunod Niya ay hindi lamang para sa marurunong o makapangyarihan. Hindi natin kailangang magsuot ng abito o maghawak ng krusipihong may ranggo upang sumunod sa Kaniya.
Tayong lahat, sa pamamagitan ng ating binyag, ay tinawag na maging Kaniyang mga alagad—upang isabuhay ang ating pananampalataya saan man tayo naroroon, kahit tayo ay simple lamang at may kakulangan karunungan at pag-aaral.
Madalas nating isipin na ang pagpapalaganap ng pananampalataya ay tungkulin lamang ng mga pari o ng mga relihiyosa. Ngunit hindi ganoon ang turo ni Jesus. Tayong lahat ay Kaniyang tinatawag na maging kabahagi sa misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita.
Kapag nararamdaman nating tayo ay mahina o kulang, mas lalo tayong inaanyayahan ni Jesus, sapagkat hindi Niya tinatawag ang mga karapat-dapat—bagkus, Kaniyang ginagawang karapat-dapat ang mga Kaniyang tinawag.
Bawat isa sa atin ay may natatanging misyon na ibinigay ni Jesus. Nais Niyang tayo ay maging Kaniyang mga saksi sa ating mga tahanan, trabaho, paaralan, at maging sa social media. Sa pamamagitan ng ating mga salita, gawa, at malasakit, maipadama natin sa iba ang pag-ibig at presensiya ni Jesus. Sa pamamagitan natin, maaari Siyang umabot sa mga pusong matagal nang naghihintay na makilala Siya.
Handa ba tayong tumugon sa pagtawag ni Jesus upang madama ng iba ang Kaniyang pag-ibig, pagliligtas at pagpapala? — Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment