Friday, October 03, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para Oktubre 5, Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 17:5-10


Mabuting Balita: Lucas 17:5-10
Noong panahong iyon, sinabi ng mga apostol sa Panginoon, "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!" Tumugon ang Panginoon, "Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, 'Mabunot ka, at matanim sa dagat!' at tatalima ito sa inyo." 

"Ipalagay nating kayo'y mga aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, 'Halika at nang makakain ka na'? Hindi! Sa halip ay ganito ang sinasabi ninyo: 'Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako'y kumakain. 

Kumain ka pagkakain ko.' Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, 'Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.

+ + + + + + +
Repleksyon:
Nawawalan na ba ng pananampalataya ang mga apostol kaya nila hiniling kay Jesus na dagdagan ang kanilang pananampalataya? Oo, sila ay nawawalan na ng pananampalataya; kung hindi, hindi na nila ito hihilingin kay Jesus. At katulad nila, hindi ba’t minsan ay tayo rin ay natutuksong hilingin sa Panginoon na dagdagan ang ating pananampalataya? 

Ang paghina ng pananampalataya kay Jesus ay pinag dadaanan ng bawat isa sa atin—lalo na sa panahon ngayon, na ang ating pananampalataya sa Diyos ay mahigpit na sinusubok ng mga matitinding hamon sa buhay na ating kinakaharap. Mahalaga pa ba ang pananampalataya sa Diyos ngayon, sa panahong tila namamayani ang smartphones, artificial intelligence, at social media? Oo naman! Sa kabila ng modernong pamumuhay, ngayon higit na kailanman ay mas mahalaga ang ating pananampalataya kay Jesus.

Aminin man natin o hindi, ang ating buhay ngayon ay puno ng mga hamon at suliranin. Lagi tayong nanganganib na tayo’y lamunin ng mga ito at baka madala tayong maniwala na wala ngang Diyos. Ngunit may Diyos—at naniniwala tayo sa Diyos na kailanma’y hindi nagpapabaya sa atin.

 Ang tugon ni Jesus sa pagnanais ng mga apostol na dagdagan ang kanilang pananampalataya ay malalim at makahulugan. Sinabi Niya, “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikomoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat,’ at ito’y susunod sa inyo.”

 Ang butil ng mustasa ay napakaliit kapag itinanim, ngunit kapag ito’y inalagaan, ito’y lumalaki at nagiging matibay. Ganoon din ang pananampalataya—maaaring maliit ito sa simula, ngunit kapag inalagaan, ito’y lumalago at nagbibigay-buhay. Ang mahalaga ay hindi kung gaano ito kaliit, kundi kung paano natin ito pinagyayaman sa ating puso.

 Paano natin mapapangalagaan ang maliit na binhing ito ng pananampalataya? Pinagyayaman natin ito sa pamamagitan ng ating presensya sa Banal na Misa. Pinagyayaman natin ito sa pagsunod sa mga aral ni Jesus. At pinagyayaman natin ito sa ating araw-araw na gawa ng pananampalataya, gaano man ito kaliit sa paningin ng iba.

Ang ating pananampalataya, bagaman sinusubok, ay maaaring lumakas kung tayo ay patuloy na magtitiwala at magpapasakop kay Jesus. Dahil siya lamang ang may kapangyarihang patibayin at palakasin ito sa gitna ng ating pagdududa at mga kahinaan.

Paano natin pinagyayaman ang ating pananampalataya ngayon? Hahayaan ba nating ilugmok tayo ng mga pagsubok, o tayo ba’y tatayo na may buong tiwala at pananampalataya sa Diyos—naniniwala na kahit ang pinakamaliit na binhi ng pananampalataya sa ating mga puso ay kusang lalago basta hindi tayo bibitiw sa kanya? – Marino J. Dasmarinas

No comments: