Friday, October 03, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para Sabado Oktubre 4 Paggunita kay San Francisco de Asis: Lucas 10:17-24


Mabuting Balita: Lucas 10:17-24
Noong panahong iyon, bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu't dalawa. "Panginoon", sabi nila, "kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo." Sumagot si Jesus, "Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit -- parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. 

Gayunman, magalak kayo hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo." Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, "Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ito na ang kalooba'y tulad ng sa bata. 

Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo. "Ibinigay sa akin ng Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak." 

Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba. "Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngayon ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan."

 + + + + + + +
Repleksyon:
Noong unang panahon, may isang relihiyon na may ugaling aroganteng pagpapakita ng kanilang impluwensiya. Ipinagyayabang nila na sila lamang ang tunay na relihiyon at na walang makapupunta sa langit maliban sa kanilang mga kasapi. 

Sa halip na maakit ang iba na sumama sa kanila, sila’y tinanggihan ng mga taong inaakala nilang magiging miyembro. Sa kalaunan, tumigil ang paglago ng relihiyong ito hanggang sa ito’y tuluyang nawala na lamang na parang bula.

 Ano nga ba ang tunay na makapag kukumbinse sa mga tao upang sumama sa isang relihiyon? Hindi ito kayabangan kundi ang pagiging mapagpakumbaba tulad ng isang bata. Ang kayabangan ay nakakaalis ng loob at nagpapalayo ng tao, samantalang ang pagpapakumbaba ay nakakaantig ng puso at nagbubukas ng pinto ng pagtitiwala. Ang pagpapakumbaba ay parang magnet na humihila at umaakit sa damdamin ng kapwa.

 Nanaisin ba natin na maging bahagi ng isang relihiyon na aroganteng ipinagmamalaki ang kanilang impluwensiya? Tiyak na hindi! Gugustuhin ba nating makipagkaibigan sa isang mayabang na tao kaysa sa isang mapagpakumbaba? Siyempre, sa mapagpakumbaba tayo makikipagkaibigan.

Gayon din, mas marami tayong madadala sa ating pananampalataya at tunay tayong magiging mangingisda ng tao kung tayo’y mamumuhay sa pagpapakumbaba at magiging buhay na halimbawa ng pagpapakumbaba ni Jesus. Kapag isinabuhay natin ang Kanyang kababaang-loob, ang ating mga gawa ay nagsasalita nang higit na malakas kaysa sa ating mga salita.

Hindi kailangan ng Panginoon ang ating kayabangan upang madala ang iba—ang kailangan Niya ay ang ating kabutihan at pagpapakumbaba. Handa ba tayong maging buhay na saksi ng mapagpakumbabang pag-ibig ni Jesus upang ang iba ay makatagpo Siya sa pamamagitan natin?– Marino J. Dasmarinas

No comments: