Thursday, October 02, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Oktubre 3 Biyernes sa Ika-26 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 10:13-16


Mabuting Balita: Lucas 10:13-16
Noong panahong iyon sinabi ni Hesus, “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, disin sana’y malaon na silang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo upang ipakilalang sila’y nagsisisi.

Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa kaparusahan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum, Ibig mong mataas hanggang sa langit? Ibabagsak ka sa Hades! “Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo’y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
 + + + + + + +
Repleksyon:
Bakit nagalit si Jesus sa mga tao ng Corazin at Betsaida? Sapagkat hindi nila pinakinggan ang Kanyang panawagan na iwanan na ang buhay na makasalanan; tinanggihan nila ang Kanyang alok ng pag-ibig at pagbabagong-buhay para sa kanila. 

Nakakapagtaka kung bakit tayo kung minsan ay tumatangging pakinggan ang panawagan ni Jesus, gayong wala namang mawawala sa atin at kung tutuusin ay mas marami pang biyaya tayong makakamtam. Halimbawa, kung tayo ay nabubuhay sa kasalanan ngayon at piliin nating tumugon sa panawagan ni Jesus para sa pagbabago, agad-agad ay mawawala ang bigat na pasan-pasan natin. Ngunit bakit marami pa rin sa atin ang ayaw talikuran ang kasalanan? Bakit nga ba? 

Ano ba ang naibibigay ng kasalanan na hindi natin maiwan? Naibibigay ba nito ang langit? Naibibigay ba nito ang tahimik at kontentong buhay? Bakit tayo kumakapit sa kasalanan na para bang dito nakasalalay ang ating buhay, gayong wala naman itong mabuting naibibigay? Hihintayin pa ba natin na dumating ang isang masamang pangyayari bago tayo makinig? 

Magsimula po kaya tayong tanggihan  ang anumang uri ng kasalanan—kahit man lang sa loob ng ilang linggo o isang buwan. Pagkatapos, ihambing natin ang ating dating buhay sa kasalanan at ang buhay na malaya rito at ginagabayan ng liwanag ni Jesus. Tiyak na mas iibigin natin ang bagong buhay kasama si Jesus kaysa sa lumang buhay na pasan ang bigat ng kasalanan. 

Inaanyayahan tayo ng Panginoon ngayon: mananatili ba tayong kumakapit sa mga hungkag na pangako ng kasalanan, o buong puso nating isusuko ang ating sarili upang maglakbay kasama si Jesus tungo sa buhay na magaan, maayos at walang iniisip na anumang kasamaan? — Marino J. Dasmarinas

No comments: