Tuesday, September 30, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Oktubre 1 Miyerkules Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol na si Jesus, dalaga at pantas ng Simbahan: Lucas 9:57-62


Mabuting Balita: Lucas 9:57-62
Noong panahong iyon, samantalang naglalakad sina Hesus at ang kanyang mga alagad, may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus, “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” 

Sinabi ni Hesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang akin ama.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” 

Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”
 + + + + + + +
Repleksyon:
Paano natin sinusundan ang Panginoon sa loob ng Sakramento ng Kasal? 

Sinusundan natin ang Panginoon sa pamamagitan ng ating katapatan sa ating mga panata sa kasal. Alam natin na ang pari na nagbubuklod sa mag-asawa ay gumaganap sa persona o pagkatao ni Jesu-Cristo. Kaya ang dalawa ay nagiging isa sa pamamagitan ng Sakramento ng Kasal sa biyaya ni Jesus. 


Gayunman, walang kasal na “ginawa sa langit”; bawat kasal ay dumaraan sa apoy ng mga pagsubok at hirap ng buhay. Ngunit kung tayo ay seryoso sa pagsunod sa Panginoon sa pamamagitan ng ating mga sinumpaang panata, dapat mayroon sa ating mga puso ang kakayahang magpatawad sa anumang pagkukulang o kasalanan na nagawa sa atin. 

Ibig sabihin nito, palagi dapat may nakalaan na puwang para sa pagpapatawad sa kaibuturan ng ating mga puso bilang mag-asawa. Walang kasal ang perpekto sapagkat tayo ay mga taong may mga kahinaan. Subalit sa pamamagitan ng biyaya ni Jesus, tayo ay pinag-isa sa Sakramento ng Kasal, at dahil sa Kanyang biyaya tayo ay matatag na nagpapatuloy gaano man kabigat ang mga pagsubok.

 Kaya’t ang pagpapatawad ay dapat isa sa mahahalagang batayan para sa mga mag-asawa kung tunay nilang hangad na sundan ang Panginoon. Kung ang Panginoon ay nananahan sa atin at kung taimtim ang ating hangarin na maglakbay kasama Siya, dapat ay palaging buhay ang pag-ibig, pagpapatawad, at kababaang-loob—hanggang sa ating huling hininga.

 Sa ating sariling buhay mag-asawa handa ba tayong isabuhay ang pagpapatawad, pag-ibig, at kababaang-loob bilang araw-araw na patotoo ng ating pananampalataya, upang si Kristo ay laging manatiling buhay sa ating tahanan? — Marino J. Dasmarinas

No comments: