Monday, September 29, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Martes Setyembre 30 Paggunita kay San Geronimo pari at pantas ng Simbahan : Lucas 9:51-56


Mabuting Balita: Lucas 9:51-56
Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Hesus sa langit, ipinasiya niyang pumunta sa Jerusalem. Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit ayaw siyang tanggapin ng mga Samaritano sapagkat siya’y patungo sa Jerusalem.

Nang makita ito nina Santiago at Juan ay kanilang sinabi, “Panginoon, payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?” Ngunit bumaling siya at pinagsabihan sila. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo,” sabi niya, “sapagkat naparito ang Anak ng Tao hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila.” At nagtungo sila sa ibang nayon.
 + + + + + + +
Repleksyon:
Ano ang iyong nararamdaman kapag may mga taong hindi mabuti ang pakikitungo sayo? Nalulungkot ka ba at nasasaktan, o basta mo na lang itong pinalalagpas na may kapayapaan sa iyong puso at itinuturing mo nalang na normal ito na bahagi ng buhay? 

Tinanggihan si Jesus na pumasok sa nayon ng mga Samaritano, ngunit sa halip na magtampo o magkimkim ng galit laban sa kanila, Siya ay tahimik na lumisan nang walang dalang anumang hinanakit. 

Marahil ay para bang sinasabi Niya: “Tinanggihan ninyo Akong pumasok sa inyong nayon, kaya’t ako’y aalis na lamang nang walang anumang galit sa inyo, mga taga-Samaria.” Sa kabila ng negatibong pagtanggap, nagpakita si Jesus ng positibong tugon: “Magpatuloy tayo at ipagpatuloy ang ating misyon.” 

Paminsan-minsan, may mga taong susubok na saktan tayo o akitin tayong bumaba sa kanilang antas ng kayabangan. Ano kaya ang dapat nating gawin? Huwag tayong magpalinlang. Sa halip, manatili tayong kalmado at huwag hayaang masira ang ating kalooban. 

Kailangan nating tahakin ang mas mataas at tuwid na daan at kunin ang mabuting aral kahit sa gitna ng negatibong karanasan. Dapat nating tandaan na tayo lamang ang may hawak kung paano tayo tutugon sa anumang sitwasyong dumarating sa ating buhay. 

Kaya naman, huwag nating kalilimutan na laging may positibong biyayang nakatago kahit sa bawat negatibong pangyayari. Kapag hinayaan nating pamunuan tayo ng Espiritu Santo, maging ang pagtanggi o hindi maayos na pag turing sa atin ay nagiging daan patungo sa mas dakilang plano ng Diyos. 

Kapag ikaw ba ay ipinapahiya o sinasaktan ng iba, pinipili mo bang magkimkim ng galit, o pinipili mo, gaya ni Jesus, ang lumakad nang may kapayapaan at pagmamahal sa iyong puso? – Marino J. Dasmarinas

No comments: