Monday, September 22, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Setyembre 26 Biyernes sa Ika-25 Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 9:18-22


Mabuting Balita: Lucas 9:18-22
Isang araw, samantalang nananalanging mag-isa si Jesus, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya sila, "Sino raw ako ayon sa mga tao?" Sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo, at may nagsasabi pang nabuhay ang isa sa mga propeta noong una." "Kayo naman, ano ang sabi ninyo?" tanong niya sa kanila. "Ang Mesias ng Diyos!" sagot ni Pedro.  

Itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag na nilang sasabihin ito kaninuman. At sinabi pa niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao'y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay."
+ + + + + + +
Repleksyon:
Bakit nga ba laging pinaaalalahanan ni Jesus ang Kanyang mga alagad tungkol sa Kanyang nalalapit na mga pagdurusa? Bakit hindi na lamang Niya itinago sa Kanyang sarili ang lahat ng ito? Kung iisipin natin, kung itinago Niya ang Kanyang mga pagdurusa sa Kanyang mga alagad, mas marami pa sanang magkakainteres na sumunod sa Kanya. 

Ngunit hindi nagsinungaling si Jesus; hindi Niya pinaganda o pinatamis ang Kanyang mga salita upang makahikayat. Siya’y naging tapat, malinaw, at buong tapang na inilatag ang lahat sa kanila at sa atin narin. 

Kadalasan, ayaw nating pag-usapan ang mga pagdurusa kapag sinusundan natin si Jesus. Subalit kapag inalis natin ang pagdurusa, nawawala ang tunay na diwa ng pagiging alagad. Sapagkat ang alagad na hindi handang dumaan sa hirap, sakripisyo at pagpapakasakit ay huwad na alagad. 

Paano natin malinaw na makikita si Jesus kung hindi tayo dadaan sa mga pasakit at pagdurusa? Paano natin Siya makikilala nang mas malalim kung hindi tayo handang magsakripisyo alang-alang sa Kanya? Kung sinasabi nating sumusunod tayo kay Jesus ngunit takot naman tayong magdusa, hindi tayo tunay na tagasunod. Isa lamang tayong tagapanood na huwad at walang malasakit sa misyon ni Jesus. 

Sabi nga nila, “Pag walang hirap, wala ring ginhawa.” At kung iuugnay natin ito sa ating pagiging alagad ni Jesus, ito’y magiging: “Pag walang hirap, wala ring pakikipagtagpo kay Jesus sa langit.” 

Ang pagsasakripisyo alang-alang kay Jesus ay hindi kailanman madali, ngunit ito ang landas na humuhubog sa atin bilang tunay na alagad. Sa pagpapasan ng ating mga krus tayo mas napapalapit kay Jesus, at sa ating mga pagsasakripisyo nararanasan natin ang tamis ng Kanyang pag-ibig. 

Handa ba tayong yakapin ang pagsasakripisyo alang-alang sa ating pagsunod kay Jesus, o mas pipiliin nating umiwas nalang sa mga pagsasakripisyo sa ating pag sunod sa Kanya?  – Marino J. Dasmarinas

No comments: