Monday, September 22, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Setyembre 25 Huwebes sa Ika-25 na Linggo ng Karaniwang Panahon: Lucas 9:7-9


Mabuting Balita: Lucas 9:7-9
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na tetrarka ng Galilea ang lahat ng ginagawa ni Jesus. Nagulo ang kanyang isip, sapagkat may nagsasabing muling binuhay si Juan Bautista. May nagsasabi namang lumitaw si Elias, at may nagsasabi pang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong una. 

Kaya't ang sabi ni Herodes, "Pinapugutan ko si Juan; ngunit sino ang nababalitaang ito? Marami akong naririnig tungkol sa kanya." At pinagsikapan niyang makita si Jesus.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Mayroong isang kuwento tungkol sa isang babae na palaging binabagabag ng kanyang konsensya tuwing nakakakita siya ng sanggol. Sapagkat palagi niyang naaalala ang sanggol na ipinalaglag nya. Dahil sa kanyang maling ginawa siya ay palaging binabagabag ng kanyang konsyensya. 

Marahil ganito rin ang nangyayari sa isipan ni Herodes. Labis siyang nabagabag nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, at dumating sa puntong inisip niyang si Juan na kanyang ipinapatay ay muling nabuhay mula sa mga patay.

 Bakit nga ba naging mausisa si Herodes tungkol sa tunay na pagkakakilanlan ni Jesus, at bakit siya nagkaroon ng matinding pagnanais na makita Siya? Dahil nais niyang malaman kung si Juan na kanyang ipinapatay ay muling nabuhay.

 Tayo man ay dapat magkaroon ng ganitong pananabik na makilala si Jesus—hindi dahil sa takot o may ginawa tayong pagkakasala, gaya ng kay Herodes, kundi dahil sa pagnanais natin na mas mapalapit at mas makilala pa ang Panginoon.

Paano nag paparamdam si Jesus sa ating buhay? Siya ay nagpaparamdam sa pamamagitan ng  mga dukha, mga naaapi at mga nagugutom. Kung tunay nating hinahangad na makatagpo Ang Panginoon, dapat nating buksan ang ating mga puso at mga kamay upang mahalin sila.

 Ang pagnanais ni Herodes na makita si Jesus ay nag uugat sa kanyang  takot, ngunit ang sa atin ay dapat magmula sa pag-ibig. Kaya’t ang tanong sa atin ay: Tunay ba tayong nananabik na makatagpo si Jesus—hindi lamang sa panalangin, kundi sa mukha ng mga mahihirap at mga nalulumbay? — Marino J. Dasmarinas

No comments: