Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya'y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito.
"Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos," wika niya. "Sumasaiyo ang Panginoon!" Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya't sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya'y tatawagin mong Jesus.
Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." "Paanong mangyayari ito, gayong ako'y dalaga?" tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, "Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kanyang kapangyarihan ng Kataas-taasan.
Kaya't banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya'y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao -- sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos." Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi." At nilisan siya ng anghel.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Ngayon po ay ginugunita natin ang Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria. Ipinapakita nito ang mahalagang papel ni Maria bilang Reyna na namamagitan para sa sangkatauhan at sumasalamin sa kadakilaan ni Kristo na ating Hari.
Pormal na nagsimula ang pagdiriwang na ito noong 1954 sa ilalim ng pamumuno ni Papa Pio XII, ngunit ang kasaysayan nito ay umaabot pa sa sinaunang debosyon ng mga Kristiyano. Inilipat ito sa ika-22 ng Agosto upang bigyang-diin ang Pag-akyat ni Maria sa Langit at ang kanyang pakikibahagi sa kaluwalhatian ng kanyang Anak bilang Hari.
Handa ba Ang mahal na Birheng Maria sa mensahe ng Anghel Gabriel? Hindi. At malinaw ito nang siya’y magtanong tungkol sa ipinahayag ng Anghel. Gayunman, sa kabila ng kanyang pangamba, buong puso niyang tinanggap ang kalooban ng Diyos at walang pagaalinlangan na nagtitiwala sa banal na plano ng Diyos.
Gaano kalalim ang iyong pagmamahal sa Diyos? Handa ka bang isuko ang sarili mong kagustuhan at magsakripisyo alang-alang sa Kanya? Ito ay mga tanong na dapat nating pagnilayan, sapagkat ito’y nag uugat sa pinakasentro ng ating ugnayan sa Panginoon.
Nang sumunod ang Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos na maging ina ni Jesus, isinuko niya ang sariling kaginhawaan at kaligayahan para sa mas dakilang plano ng Diyos. Hindi nya alintana ang sariling kaligtasan at dangal, para sa Diyos at sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ganoon kalakas ang kanyang loob at ganoon katibay ang kanyang pananampalataya.
Nang bigkasin ng Mahal na Birhen ang mga salitang"Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi." (Lucas 1:38), napuno na ng galak at kapayapaan ang kanyang puso. Batid niya na ang kanyang “oo” ay hindi lamang para sa kanya, kundi para sa kaluwalhatian ng Diyos at sa kaligtasan ng sanlibutan. Ang kanyang kababaang-loob at pagsunod ang naging pintuan upang si Jesus ay makapasok sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Araw-araw, tayo rin ay inaanyayahan ng Diyos na ulitin ang tapat na “oo” ni Maria. Inaanyayahan Niya tayong isantabi ang ating mga pag aalinlangan at takot para yakapin ang Kanyang kalooban nang may pagtitiwala, kababaang-loob, at masunuring puso.
Tulad ni Maria, nawa’y matagpuan din natin ang kagalakan sa pagsuko sa plano ng Diyos, sapagkat ang Kanyang kalooban ang laging magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan, kapanatagan at kaligtasan. – Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment