Tuesday, August 19, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Miyerkules Agosto 20 Paggunita kay San Bernardo, abad at pantas ng Simbahan: Mateo 20:1-16


Mabuting Balita: Mateo 20:1-16
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: "Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas ng umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila'y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan.  

Sinabi nya sa kanila, 'Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa. At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayon din ang ginagawa niya. Nang mag-iikalima ng hapon, siya'y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, 'Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?' 'Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!' sagot nila. At sinabi niya, 'Kung gayun, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.' 

"Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, 'Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila'y upahan, magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.' Ang mga nagsimula ng mag-iikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila ng higit doon; ngunit ang bawat isa'y tumanggap din ng isang denaryo. 

Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, 'Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?' At sinabi niya sa isa sa kanila, 'Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang denaryo? 

Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang loob?' Kaya't ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli."

+ + + + + + +

Repleksyon:

May mga sandali ba na dumarating sa iyo ang tanong: Bakit ganito ang pasya ng Diyos sa aking buhay?

May mga pagkakataon na tila hindi tugma ang Kanyang mga plano sa ating inaasahan. Subalit kakaiba ang pag-iisip ng Diyos kaysa sa atin, at ang Kanyang mga pasya ay hindi batay sa ating makitid na pang-unawa. 

Sa talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan, wari bang naging hindi makatarungan ang may-ari ng ubasan—na siyang kumakatawan sa Panginoon. Binigyan niya ng parehong upa ang mga nagtrabaho nang buong araw at ang mga dumating lamang sa huling oras. Natural lamang itanong natin: Hindi ba’t hindi makatarungan ito sa mga nagpagod nang matagal, o sadyang napakabukas-palad lamang niya? 

Ang totoo, ang may-ari ng ubasan ay parehong tapat at mapagbigay. Ibinigay niya sa bawat isa ang kanilang napagkasunduan. Hindi mahalaga kung sino ang nauna o nahuli. Ang mahalaga sa kanya ay tinupad niya ang kanyang pangako at pinagpala ang bawat manggagawa. 

Ganyan din ang Diyos sa atin. Tayo ay laging nagbibilang, nagkukumpara, at nagdadamot. Ngunit Siya ay hindi. Tayo ay nag-aatubili; Siya ay nagbibigay nang walang hanggan. Tayo ay nagtatangi; Siya ay yumayakap sa lahat nang walang kinikilingan. Para sa Diyos, ang mahalaga ay hindi kung gaano kaaga o gaano kahuli ang ating pagtugon—ang tunay na mahalaga ay tumugon tayo sa Kanyang paanyaya. 

Hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano kalaki ang iyong kasalanan. Hindi Niya binibilang ang mga taon ng iyong paglayo. Ang mahalaga sa Kanya ay ang sandaling ikaw ay magbalik, ang oras na sasabihin mong oo sa Kanyang paanyaya ng pag-ibig at pagbabalik-loob. Ang Kanyang awa ay hindi nauubos, at ang Kanyang biyaya ay kailanman hindi mauubusan. 

Marahil iniisip mo: Hindi na ako karapat-dapat. O baka naman: Huli na para sa akin. Ngunit para sa Diyos, hindi kailanman huli ang lahat. Ang pintuan ng Kanyang habag ay laging bukas, at ang tinig ng Kanyang paanyaya ay hindi titigil. 

Tutugon kana ba sa pa anyaya ng Panginoon? —Marino J. Dasmarinas

No comments: